Pamilya ng EPD ‘dorobo’ cops, apektado!
ISINUGAL ng EPD cops ang kinabukasan nila at ng kani-kanilang pamilya nang lusubin nila ang bahay ng isang negosyanteng Chinese sa Las Piñas City at kinulimbat ang P85 milyon na halaga ng cash, alahas at kagamitan. Sa paunang imbestigasyon, maraming lapses ang nakita sa “ober da bakod’ na operation ng EPD “dorobo” cops, at ayaw ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil ng ganyan.
“Ang badge na isinusuot n’yo ay hindi proteksiyon sa abuso. Ito ay simbolo ng tiwala ng publiko,” ani Marbil patungkol sa walong EPD cops. ‘Kung ibe-betray n’yo ang tiwalang ito kayo ay tatanggalin, ipakukulong at parurusahan ng buong bigat ng batas,” dagdag pa ni Marbil. Araguyyy!
Hayan, maliwanag pa sa sikat ng araw kung saang kangkungan dadamputin ang mga tiwaling pulis, ‘no mga kosa? Hehehe! Hindi lang ang sarili nila ang pinahihirapan nila kundi maging ang kanilang pamilya. Mismooo!
Maaring may pangarap ding maging milyonaryo ang EPD “dorobo” cops kaya lang nagmamadali sila. Kasi nga mga kosa, kung tinapos nila ang serbisyo publiko nila at nag-retire nang maayos, abayyy milyones din ang matatanggap nilang pension o retirement pay. Gets n’yo mga kosa? Eh kung magkaparte man sila sa “loot” nila, kahit milyones man, abayyy mauubos din ‘yan at malaking bahagi ang mapupunta sa abogado nila. Eh di wow!
Hindi lang ‘yan, sa halos lahat ng komento ng mga kosa kong pulis, wala silang sinasabi kundi maliwanag na “robbery” ang nangyaring operation. Kaya malalagay sa kahihiyan, hindi lang ang mga personales nila, kundi maging ang kanilang pamilya at mga anak na tutuksuhin ng kaklase nila. Sanamagan!
Mukhang lalaban naman ang EPD “dorobo” cops dahil nagsampa na sila ng bribery laban sa negosyanteng Chinese sa Las Piñas prosecutor’s office. At may ebidensiya silang P12 milyon. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ang tanong sa ngayon ni kosang Dylan Carel ay ano ang negosyo ng biktima na si Jie Li alyas Bossing at marami siyang pera, sa pesos, dollar at Malaysian Ringgit pa? Sinabi naman ng kapatid ni Jie na si Kitty na sila ay nasa restaurant business at apat na taon na sila sa Pinas.
Pero may nagsabi naman sa mga kosa ko na si Jie ay dating sangkot sa POGO oerations sa Mandaluyong City kaya kilala ito ng pulis sa kumakalat na video na nakasuot ng Bgy. Addition Hills Riders na long sleeve t-shirt. Totoo kaya na ang pulis na ito ay dating close-in security ng isang pulitiko?
Iginiit pa ng mga kosa ko na marami itong kasong pinagkaperahan sa Mandaluyong City kaya itinapon, hindi lang siya, kundi maging ang tropa nito sa EPD. Nagsama-sama naman sila sa District Special Operations Unit at hayun, nagkagulo ang buhay nila dahil sa semplang na trabaho.
Totoo kaya na ang tinutukoy ng mga kosa ko na pulis ay nakaligtas sa grenade blast dahil nahulog ang granada sa kanyang motor? Wanakosey mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Ipinasailalim na sa inquest proceedings ang walong police sa Las Piñas prosecutor’s office noong Sabado. Malakas ang paniwala ng abogado nilang si Atty. Reginaldo Bucu na inosente ang kanyang mga kliyente at tahasang sinabi na “set-up” lang ang nangyari. Hak hak hak! Palabiro pala itong si Bucu.
Lalabas at lalabas din ang katotohanan sa kasong ito, di ba mga kosa? Maaring makaligtas sa criminal case ang walong EPD “dorobo” cops subalit lagot sila kay Marbil sa administrative aspect nito. Ganun na nga! ‘Wag kukurap mga kosa. Abangan!
- Latest