^

Punto Mo

5 taon ang nakaraan, ‘buhay’ natin tumigil

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

Ngayong araw na ito (Marso 16), limang taon na ang nakararaan, nagsimulang mabulabog at tumigil ang regular at normal na pamumuhay ng mga Pilipino nang ideklara ang enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang klase ng quarantine sa Visayas at Mindanao dahil sa COVID-19 pandemic.

Sarado ang halos lahat ng mga opisina (pribado at ­gobyerno); tindahan; shopping mall; pasyalan; at iba pang mga pampublikong lugar; maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho, obligadong tumigil sa kani-kanilang mga tahanan ang mga tao, walang pasok sa mga eskuwelahan; bawal bumiyahe ang mga jeepney, bus, tren at barko at kinontrol ang lipad ng mga eroplano; naglaho ang mga aktibidad na karaniwang pinagtitipunan ng maraming tao; binarikadahan ang mga kalsada; at nauso ang mga face mask, face shield, thermal scanner, alcohol, social distancing,  at quarantine checkpoint.

Nagsimula ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas noong Enero  30, 2020 bagaman, sa buong mundo, nagsimulang kumalat ang virus noong Disyembre 2019. Napaulat na umabot sa 66,864 ang namatay at 4,173,631 ang nahawahan ng COVID-19 sa Pilipinas.

Nagsimula lang lumuwag at unti-unting bumalik sa normal ang galaw ng mga tao at ng buong lipunan makaraang isagawa ang mga pagbabakuna laban sa virus at nagsimulang bumaba ang mga kaso ng sakit noong 2022 hanggang sa tuluyan nang alisin noong 2023 ang pandemya bilang public health emergency.

Pero, lumipas ang limang taon, wala pa ring linaw kung ano ang pinagmulan at paano ­nagsimulang kumalat ang COVID-19  bagaman nagsimula ang hawahan ng sakit sa Wuhan, China.

Hindi gaanong nakikipagtulungan ang China sa mga pandaigdigang imbestigasyon. Nananatiling teorya ng mga scientist  na, tulad ng ibang coronavirus, kumalat ang COVID-19 mula sa mga paniki na nakahawa sa ibang mga hayop tulad ng mga aso, pusa at daga hanggang sa nahawa rito ang mga tao na nag-aalaga o kumakatay ng mga hayop na ito sa isang palengke sa Wuhan.

Isa pang teorya na maaaring nagmula ito sa isang laboratoryo sa Wuhan na pinamamahayan nang maraming research laboratory na nagsasagawa ng mga pag-aaral sa coronaviruses. Sinasabing baka matagalan pa bago matukoy ang totoong pinagmulan ng COVID-19 kung talagang matutuklasan pa ito.

Marami pa rin mga tanong at ibang usapin talaga hinggil sa COVID-19 na hindi pa rin malinawan o nasasagot. Mahirap masabi kung mangyayari pa ang kalinawan o kasagutan sa mga ito.

Dito sa atin, paano kung noon pa lang Disyembre o Enero ay isinara na ang mga border o mga paliparan at pantalan para walang makapasok na mga tao na nagmumula sa ibang bansa tulad ng mga panawagan ng ilang sektor o indibidwal noong bago nadeklara ang pandemya? Natulad kaya tayo sa iilang bansa na hindi napasukan ng virus?

Sinasabi ring kuwestiyonable ang lumalabas na bilang ng mga nagkasakit at namatay sa COVID-19 dahil merong mga hindi nairereport, kulang sa datos o testing o may ibang mga sakit na hinihinalang isinasama sa mga kaso ng COVID.

Nakatulong ba talaga ang lockdown o quarantine sa pagsugpo sa pagkalat ng virus? Epektibo ba iyong face shield na pinagamit sa mga mamamayan bukod sa face mask?

Pero ang tiyak, maraming aral ang maaaring natutunan sa nagdaang pandemya na maaaring maging gabay  sa hinaharap kung sakaling maulit ang ganitong senaryo.

-oooooo-

Email: rmb2012x@gmail.com

PILIPINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->