Mayang (153)
“Sabi ni Cristy, lumipas daw ang taon na wala silang komunikasyon ng kapatid na si Henry. Hindi raw niya alam kung nasaan na ang kapatid. Maaaring nasa malayong lugar na raw si Henry at nagtatago.
“Samantala, wala raw nakadidiskubre sa krimen na ginawa ni Henry. Walang nakakatuklas sa mga bangkay na nasa loob ng septic tank.
“Hanggang sa lumipas pa ang isang taon at may nakagustong mangupahan sa bahay ni Henry. Dahil si Cristy ang inatasan ni Henry na mangasiwa sa bahay, siya ang namahala sa pagpapaupa.
“Mga Chinese ang nangupahan sa bahay. Nagustuhan ang lokasyon ng bahay dahil nasa looban ito at mataas ang pader. Hindi na umano tumawad ang mga Chinese sa itinakdang upa at agad nagbayad ng deposito at advanced na upa.
“Sabi ni Cristy, ang perang ibinayad ng mga Chinese ay kanyang idineposito sa banko para kapag nagkita sila ni Henry ay ibibigay niya rito ang pera.
“Pero hindi nagpakita si Henry. Naisip ni Cristy na talaga sigurong nasa malayong lugar si Henry. Umiiwas sa mga pulis dahil sa nagawang krimen. Naisip din ni Cristy na siguro’y hindi na pupunta sa Metro Manila si Henry.’’
“Ilang buwan ang nakalipas, natuksong bumili ng diyaryo si Cristy dahil sa nabasang headline: BALIKBAYAN KINIDNAP AT PINATAY NG EX-OFW.
Kinutuban si Cristy. Hindi kaya si Henry ang suspek.
Binili niya ang diyaryo at pagdating sa bahay ay binasa.
“Nakasaad sa balita na isang balikbayan ang kinidnap at pinatubos ng ransom. Pero nang nakapagbayad na ang pamilya, pinatay pa rin ang balikbayan. Ang suspek ay isa raw dating OFW. Wala namang sinabing pangalan ng suspek subalit malakas ang kutob ni Cristy na si Henry iyon.
“Makalipas ang isang buwan, isang nagbabakasyon na OFW ang pinatay din. At ang suspect ay isa raw ex-OFW.
“Sunud-sunod ang kabang naramdaman ni Cristy. Maaring si Henry ang killer ng mga OFW at balikbayan.”
(Itutuloy)
- Latest