‘Labaha’ (Part 5)
“TEKA huwag kang malikot, Paul at baka ka masugatan nitong labaha,’’ sabi ni Tiyo Nonoy.
“Ang sakit! Mahapdi! Mapurol ang labaha mo!’’ sabi kong umiiyak.
“Matalas naman ito ah. Kahahasa ko lang nito!’’
“Bakit ang sakit?’’
“Aba ay ewan ko. Pero matalas ito.’’
Hindi ko na hinintay na muling mailapat ni Tiyo Nonoy ang labaha sa aking ulo.
Bigla kong tinanggal ang nakabalabal na tela sa akin at mabilis akong bumaba sa upuan at tumakbo palayo. Bahala na kung pagtawanan ako ng mga makakakita sa masamang ayos ng aking buhok na hindi natapos gupitan.
“Paul, saan ka pupunta? Bumalik ka at hindi pa tapos gupitan ang buhok mo,” sigaw ni Tiyo Nonoy.
Pero hindi ko na siya nilingon at nagmamadali akong umuwi.
Mabuti naman at walang nakapansin sa aking buhok.
Nang dumating ako sa bahay, nagtaka ang aking ina nang makita ang aking buhok na hindi tapos gupitan.
“Anong nangyari Paul? Bakit hindi tapos ang buhok mo? Anong nangyari?’’
Umiyak ako. Pati sipon ay lumabas.
Matapos umiyak, ikinuwento ko ang nangyari.
“E di hindi ka sana umalis sa barbershop at pinapalitan mo ang labahang ginagamit ni Tiyo Nonoy mo.’’
“Ayaw ko na Inay! Baka galit si Tiyo Nonoy sa akin kaya mapurol na labaha ang ginamit.”
“Ba’t naman gagawin ni Tiyo Nonoy mo ang ganun?’’
“Basta ayaw ko nang magpagupit sa kanya!”
Kinahapunan, nang dumating si Tiyo Nonoy, tinanong ni Inay tungkol sa labaha.
“Nonoy, nasaktan daw si Paul sa ginamit mong labaha—mapurol daw!’’
“Napakatalim ng labaha! Hindi ko alam kung bakit nasaktan si Paul!”
(Itutuloy)
- Latest