^

Punto Mo

Hindi biro ang banta ng China

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

LALONG bumaba ang pagtitiwala ng mga Pilipino sa China. Sa pinakahuling survey ng OCTA Research, 91 percent ng mga Pilipinong may sapat na gulang ang walang tiwala sa China. Ginawa ang survey matapos ang pambobomba ng China Coast Guard sa isang barkong pangisda na naglalayag sa teritoryong sakop ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). 

Sa isang naunang survey, majority ng mga Pilipino ay naniniwala na ang China ang pinakamalaking banta sa kapayapaan ng Pilipinas. Marami ang natatakot na hindi malayong sumiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang bansa. May laban ba tayo sa China na isang global military power at sinasabing halos kapantay na ng US? Syempre, wala!  Pero 68 percent ng mga Pilipino ang naniniwala na kayang ipagtanggol ng AFP ang ating sobereniya sa WPS. ‘Yan ang fighting spirit!

Noong kumakampanya si Digong  sa pagkapangulo, ipinangako niya na magjejetski siya sa Spratly Islands at magtutusok doon ng bandilang Pilipino. Nang manalo, inamin niya na iyon ay isa lamang biro na pinaniwalaan naman ng mga estupido. Noong nabubuhay pa si Senator Miriam Defensor Santiago, sinabi niya na hindi tayo dapat makipaggiyera sa China dahil kung sakaling manalo tayo ay paano natin pakakainin ang bilyung-bilyong mga Chinese?

Laganap ang biro na ang ipanlalaban natin sa mga modernong eroplanong pandigma ng China ay ang ating mga aswang. Oo, biro, ito ang ginagawa natin para mabawasan ang ating takot sa higanteng China. Marami sa atin ang panatag na hindi tayo pababayaan ng US dahil sa itinatadhana ng Mutual Defense Treaty. Sa MDT, isinasaad na ang pag-atake sa Pilipinas ay pag-atake sa U.S. Kaya lang, maraming political analysts ang nagsasabi na hindi isusubo ng U.S. ang sarili dahil lang sa Pilipinas. 

May dalawang bansa na lubos na pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino, ang US at Japan. Sa isang survey noong 2023, 85 percent ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa US. Sa isang hiwalay na survey noong 2022, 80 percent ng mga Pilipino ay nagtitiwala sa Japan.  Giniyera ng dalawang bansang ito ang Pilipinas. Natalo ang Pilipinas kung kaya sinakop ng US at ng Japan ang ating bansa sa magkahiwalay na panahon ng kasaysayan. Nakapagtataka na sa kabila nito’y ang China ang hindi pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino, gayong hindi naman tayo sinakop ng China.

Ibang uri ang pananakop ng China. Halos lahat ng mga gamit natin, pati ang ating kinakain, ay gawa at galing sa China. Ang malalaking negosyo sa atin ay pag-aari ng mga Chinese. Kapag pinayagan na sa ating Konstitusyon ang pag-aari ng lupa ng mga dayuhan, isang araw ay gigising tayo na ang Pilipinas ay pag-aari na ng China. 

Sa kabilang banda, kahit kaibigan natin ngayon ang US at Japan, hindi pwedeng iasa natin sa kanila ang pagtatanggol sa ating bansa. Walang ibang dapat magtanggol sa Pilipinas kundi ang mga Pilipino. Dapat maging prayoridad ng kasalukuyang administrasyon at mga susunod pang administrasyon ang pagkakaroon ng isang matatag at disiplinadong AFP na ang mga tauhan ay tunay na magmamahal sa Pilipinas.

Hindi biro ang ginagawang panggigipit ng China sa WPS. Kapag hindi natin ito sineryoso, hindi lamang teritoryo ang mawawala sa atin, kundi ang ating pagkatao at dangal bilang mga Pilipino.

vuukle comment

WEST PHILIPPINE SEA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with