Dependent kay misis
Dear Dr. Love,
Matanda sa akin ng limang taon ang misis ko at sa loob ng sampung taong pagsasama namin, dependent na ako sa kanya.
Maliit lang ang sahod ko bilang clerk sa munisipyo pero siya ay matagumpay na negosyante at siya ang nagpatayo ng tinitirhan naming bahay ngayon.
Pati pamasahe ko papuntang opisina ay sa kanya ko pa inaasa kasama na ang mga bagong damit na kailangan ko.
Dalawa lang ang anak namin na siya pa rin ang nagpapaaral.
Narinig ko minsan habang nagbubulungan ang misis ko at ina niya na ang topic ay ako. Narinig kong pinupuna ng biyenan ko ang maliit kong suweldo at wala akong naitutulong sa pamilya.
Napahiya ako sa sarili ko dahil tama naman siya. Lumiliit tuloy ang paningin ko sa sarili ko kahit wala naman akong naririnig na reklamo sa aking asawa.
Ano ang dapat kong gawin?
Rafael
Dear Rafael,
Hindi ko nilalahat pero ganyan kung minsan ang mga biyenan, lalo pa’t sa tingin nila’y nalalamangan ng kanilang asawa ang kanilang anak.
Pero walang pakialam ang magulang sa buhay ng kanilang mga anak maliban na lang kung pisikal na inaabuso.
Hindi ka naman batugan at nagkataon lang na maliit lang ang sahod mo. Hindi lang sa pinansyal ang silbi mo bilang padre de pamilya.
Basta’t mabuti kang ama na gumagabay sa iyong mga anak at nagmamahal sa iyong asawa, hindi ka nagkukulang sa papel mo sa buhay.
Kung gusto mo, humanap ka ng ibang diskarte basta’t legal upang madagdagan ang iyong kinikita para hindi ka na mamaliitin ng iyong biyenan.
Dr. Love
- Latest