May libel ba kahit walang pangalang inilagay?
Dear Attorney,
Idedemanda raw ako ng dati kong kaibigan dahil daw sa ipinost ko sa Facebook. Wala naman akong nilagay na pangalan sa post ko pero ipinilit niya na tungkol daw sa kanya ang post ko kaya magkita na lang daw kami sa korte. May libel ba kahit wala namang nakalagay na pangalan sa Facebook post ko at puwede ba akong idemanda? — Rene
Dear Rene,
Sagutin ko muna ang katanungan mo na kung libelous ba ang ipinost mo kahit wala ka namang pangalang inilagay. Hindi naman kailangan na diretsong nabanggit ang pangalan ng biktima ng libelous o mapanirang post pero kailangan pa rin na maaring matukoy o makilala ng mga nagbabasa na ukol nga sa kanya ang paninira.
Sapat na ang post ay naglalaman ng mga deskripsiyon o mga detalye na tutukoy sa kung para kanino ang mga paninira (Borjal v. Court of Appeals, G.R. No. 126466, January 14, 1999). Ayon sa kaso ng Kunkle v. Cablenews-American and Lyons [42 Phil. 757 (1922)], masasabing tukoy ang pinatutungkulan ng isang mapanirang post o artikulo kung makikilala ng ibang tao kung para kanino ito.
Kaya kung matutukoy ng ibang tao kung para kanino ang paninira, maari pa ring ituring na libelous ang isang post kahit wala namang nabanggit na pangalan.
Para naman sa katanungan mo na kung puwede ka bang ihabla, ang pagsasampa ng reklamo ay karapatan ng bawat isa sa atin kaya maari ka talagang sampahan ng kaso kung sa tingin ng dati mong kaibigan ay naagrabyado siya at nilabag mo ang kanyang mga karapatan.
Ibang usapan naman kung may sapat ba siyang ebidensiya para mapatunayan na libelous nga ang iyong ipinost. Kung malinaw na hindi naman matutukoy kung sino ang pinatutungkulan ng post o kaya’y malinaw na hindi naman ang dati mong kaibigan ang pinapatungkulan nito ay malaki ang tsansang mabasura ang kaso laban sa iyo.
Gayunman, kakaharapin mo pa rin ang reklamo kahit pa mahina ang ebidensiya ng nagdemanda kaya kakailanganin mo pa rin ang abogado na hahawak sa iyong kaso kung sakaling matuloy nga ang bantang demanda laban sa iyo.
- Latest