^

Punto Mo

Sino ang tunay na Pilipino?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

“PILIPINO ako,” ito ang pinagdiinan ni Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac, nang humarap sa Senate hearing dahil sa mga alegasyon na sangkot siya sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs), isa siyang dayuhang spy, at sobrang marangya sa kanyang pamumuhay.  Ayon kay Guo, ipinagtapat ng kanyang ama na isang purong Chinese na siya’y anak nito sa isang kasambahay na Pilipina na hindi niya nakita sa buong buhay niya.

Kung totoong Pilipino ang kanyang ina, Pilipino nga si Guo dahil ang sinusunod nating prinsipyo sa pagkamamamayan ay ang jus sanguinis, basta’t Pilipino ang isa sa iyong magulang, Pilipino ka, saan ka man ipina­nganak. Sa America, ang prinsipyong sinusunod ay jus soli, sinumang ipinanganak sa America ay U.S. citizen, anuman ang kanyang lahi.

Sinabi ni Guo na mahal niya ang Pilipinas. Ang mahalagang tanong, sino ba ang tunay na Pilipino na nagmamahal sa Pilipinas? Sa “Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas,” ganito ang sinasabi ng nanunumpa, “Ako’y Pilipino, buong katapatang nanunumpa sa watawat ng Pilipinas, at sa bansang kanyang sinasagisag, na may dangal, katarungan at kalayaan, na pinakikilos ng sambayanang maka-Diyos, maka-kalikasan, maka-tao at maka-bansa.” Sa “Panatang Makabayan,” ganito naman ang unang linya ng panata, “Iniibig ko ang Pilipinas, aking lupang sinilangan, tahanan ng aking lahi…”

Kung lahat lang ng Pilipino ay magpapakatotoo sa mga panatang ito, hindi tayo ganito bilang isang bansa. Lahat nang nahahalal na lider ng ating bansa, mula sa Presidente hanggang sa kagawad sa barangay, ay nanunumpa ng pagmamahal sa Pilipinas, pero bakit nananatili tayong isa sa pinakatiwaling bansa sa buong mundo?

Lahat ng mga opisyales at empleyado ng gobyerno ay nanunumpa ng pagmamahal sa Pilipinas, pero bakit nananatiling napakasama ng ating serbisyo publiko? Marami sa ating mga estudyante, ang pangarap kapag nakapagtapos ay magtrabaho sa ibang bansa.  At ang mga propesyonal na, kung magkakaroon ng pagkakataong makapag-migrate, tiyak na lilipad ora mismo.

Sa katalinuhan at kahusayan, hindi tayo nahuhuli sa ating mga kapitbahay sa Asya, tulad ng Japan, Korea, Singapore, Hongkong, Thailand, at Malaysia. Baka nga mas magaling pa tayo sa kanila. Pero isang bagay ang tiyak, nahuhuli tayo, kulelat tayo, kung ang pag-uusapan ay ang pagmamahal sa bansa.

Sabi ng isang Koreano na nakausap ko, “The problem with you Filipinos is that you don’t love your country.”  Masakit marinig, pero totoo. Ang mauunlad nating kapitbahay sa Asya, mahal nila at ipinagmamalaki nila ang kanilang bansa. Iyon ang napakalaki nilang bentahe sa atin.

Sabi sa isang tula ni Andres Bonifacio, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, maliban sa pag-ibig sa sariling lupa? Wala na nga, wala.”  Ang problema, napakakitid ng ating kamalayang pambansa, napakakaunti ng kaalaman natin tungkol sa ating kasaysayan, at napakababaw ng ating paghanga’t pagmamalaki sa sariling atin.

Kaya upang tayo’y makahabol sa progreso ng ating mga kapitbahay sa Asya, hindi lamang ang ekonomiya ang dapat pataasin, kundi ang pagmamahal sa bansa. Ito ang isa sa dapat atupagin ng Department of Education.  May mahalaga ring papel ang tahanan at simbahan.  Sa tahanan, hindi lang pagmamahal sa pamilya ang dapat itinuturo, pagmamahal din sa bansa.  Sa simbahan, hindi lang pagmamahal sa Diyos ang dapat itinuturo, pagmamahal din sa bansa.

vuukle comment

POGO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with