^

Punto Mo

Kapakanan ng sarili’t kapwa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

“WALANG permanenteng kaaway, at wala rin namang permanenteng kaibigan; mayroon lamang permanenteng kapakanan,” ayon ito kay Henry John Temple, Prime Minister ng United Kingdom noong 19th century. Patungkol ito sa ugnayan ng mga bansa. Ibig sabihin, ang dating magkakaibigan ay maaaring maging magkakaaway o ang dating magkakaaway ay maaaring maging magkakaibigan dahil sa pangangalaga sa kapakanan ng bawat isa.

Noong nakaraang administrasyon, nakipagkaibigang mabuti si Presidente Duterte sa China sa paniniwalang poprotektahan ng China ang kapakanan ng Pilipinas.  Ngayon ay lumulutang ang mga diumano’y “gentleman’s agreements” o “secret deals” ni Duterte kay Xi Jinping, presidente ng China, katulad ng hindi pagdadala ng anumang materyales para kumpunihin ang BRP Sierra Madre, isang barkong pandigma noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na sadyang idinaong noong 1999 sa mababaw na parte ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea upang magsilbing military outpost ng Pilipinas.

Sinasabing ito na lamang ang nagsisilbing hadlang sa pagsakop ng China sa naturang teritoryo. Marami ng pagkakataon na binomba ng tubig ng mga barko ng Chinese Coast Guard ang maliliit na barko ng Pilipinas na magdadala sana ng pagkain sa mga sundalong Pilipino na nakatalaga sa BRP Sierra Madre. Kaninong kapakinabangan ang napangalagaan dito?

Sa ngayon, higit na pinapaboran ni Presidente Marcos ang pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa US sa paniniwalang pangangalagaan ng US ang kapakanan ng Pilipinas, lalo na kung masasangkot sa giyera laban sa China, bilang pag-alinsunod sa mahigit nang pitong dekadang Mutual Defence Treaty na nagtatadhana sa dalawang bansa na magtulungan sakaling sila’y giyerahin ng ibang bansa. Talaga bang ang kapakanan ng Pilipinas ang pangangalagaan ng U.S.?

May mga usap-usapan din na maaaring pumasok ang Pilipinas sa pakikipagkasundo sa U.S. at Japan para sa  isang tripartite defence treaty. Isa ring makapangyarihang bansa ang Japan, tulad ng U.S. at China. Pareho ang tanong, talaga bang ang kapakanan ng Pilipinas ang pangangalagaan ng Japan? 

Ang mga pangyayari sa kasaysayan ng mga bansa ay nagsasabing tama si Temple—ang numero unong pangangalagaan ng bawat bansa ay ang sarili nitong kapakanan, sa halip na ang kapakanan ng iba. Ito ang puno’t dulo ng lahat ng mga kaguluhan sa buong mundo, ang pagiging makasarili ng mga bansa, lalo na ang mga tinatawag na superpower na katulad ng US, China, at Japan.  Ito rin ang puno’t dulo ng kaguluhan sa ugnayan ng mga tao sa anumang kultura, ang pagiging makasarili ng tao.

Mahigit dalawang libong taon na ang nakaraan, nag-alok si Hesus ng solusyon sa problemang ito ng sangkatauhan. Sabi Niya sa Mateo 22:29, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Hindi naman inaalis ni Jesus na isaalang-alang ng isang bansa ang kapakanan nito, ngunit sa pamamaraang hindi nayuyurakan ang karapatan ng iba.

Dapat lang mahalin ng tao ang kanyang sarili, pero dapat ding mahalin ang kapwa. Ang kapakanan ng sarili at kapwa ay dapat magkaparehong isinasaalang-alang. Para kay Hesus, permanente ang kapakanan, pero kapakanang tumutukoy sa sarili at sa kapwa.

Isang salita ang bumubuod sa lahat ng ito—pag-ibig. Ang pag-ibig lamang ang tanging permanente. Ang pag-ibig lamang ang makakapigil sa pagsiklab ng digmaan. Sapagkat sa pag-ibig ay walang imposible.

vuukle comment

XI JINPING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with