EDITORYAL - Hindi na uso ang tigil-pasada
KAHAPON natapos ang dalawang araw na tigil-pasada na ginawa ng mga grupong Manibela at Piston bilang pagtutol sa PUV Modernization Program ng pamahalaan. Pero hindi naman naramdaman ang ginawang tigil-pasada sa nakaraang dalawang araw. Marami pa rin ang bumiyaheng jeepney. Marami ring libreng sakay na mga bus.
Ito na ang ikatlong tigil-pasada na ginawa ng Manibela at Piston. Una ay noong Nobyembre 13, 2023 at ikalawa ay noong Noong Nobyembre 15, 2023. Mahigpit nilang tinututulan ang PUV Modernization na ang deadline para sa consolidation sa kooperatiba ay noong Disyembre 31, 2023. Binigyang muli ng extension ang consolidation at itinakda sa Abril 30, 2024 ang deadline.
Pero sa kabila nang binigay na deadline, walang ginawa ang Manibela at Piston para mag-consolidate at sa halip, ang tigil-pasada ang inatupag. Binigyan na sila ng pagkakataon pero hindi sila nakinig at pawang pagtutol ang ginawa. Ikinatwiran pa na ang makikinabang lamang daw sa modernisasyon ay mga dayuhang kompanya. Masyado raw mahal ang unit ng modern jeepneys at hindi kakayanin ng operators.
Dalawang transport groups lamang ang tumututol sa PUV Modernization samantalang ang iba ay nakapag-consolidate na. Ayon sa Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), hindi sila kasama sa tigil-pasada na isasagawa ng Manibela at Piston. Ayon kay ALTODAP president Boy Vargas, sinabihan daw niya ang Manibela at Piston na hindi na uso ngayon ang transport strike at dapat mag-consolidate na lamang sila.
Noong nakaraang linggo, mariing sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na hindi na palalawigin ng pamahalaan ang deadline para sa consolidation. Tuloy na umano ang PUV Modernization at wala nang makapipigil pa sa pagpapatupad nito. Maraming beses na umanong naudlot ang pagpapatupad ng modernization.
Sinabi naman ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagkaraan ng Abril 30 ang mga jeepney na hindi naka-consolidate ay ituturing nang colorum at huhulihin.
Nararapat nang ipatupad ang PUV Modernization at hindi na dapat magbigay ng extension. Kapag pinagbigyan ang dalawang transport groups, wala na silang gagawin kundi ang magbanta ng tigil-pasada. Wala naman silang kakayahang paralisahin ang transportasyon dahil marami na ang naka-consolidate. Sabi ng LTFRB, nasa 80 percent na ng jeepneys ang naka-consolidate.
Nararapat lang na huwag nang bigyan ng extension ang pag-consolidate ng jeepneys. Tama na ang maraming beses na pagbibigay ng palugit. Mamimihasa lang ang Manibela at Piston.
- Latest