Mayang (97)
Habang papalayo sina Mayang at Jeff sa bahay ni Lolo Nado ay hindi maiwasan ng dalawa na humanga sa matanda sa wagas nitong pag-ibig sa namayapang asawa na si Lola Encar.
“Meron pa palang mga lalaki na ganun kawagas ang pag-ibig sa kanilang asawa ano?’’
“Oo naman. Marami pang lalaki. Meron nga akong alam na katulad din ni Lolo Nado.”
“Owwww? Sino?’’
“Ako.’’
Umirap si Mayang.
“Wagas ang pag-ibig ko sa iyo, Mayang. Sa loob ng pitong taon nating pagkakahiwalay ay hindi ako natukso sa ibang babae. Ikaw lamang talaga ang nag-iisa sa puso ko.’’
“Hindi ka nag-attempt na manligaw habang nasa New Zealand?’’
“Hindi po.’’
“Kahit tumingin man lang?’’
“Tumitingin siyempre pero walang pagnanasa.’’
“E ang mga kasamahan mong lalaki, hindi rin nagkakagusto sa ibang babae roon?”
“Merong isa.’’
“Talaga? Anong nangyari?”
“Lihim silang nagkikita. May asawa rin ang babae’’
“Kasamahan din ninyo sa trabaho ang babae?’’
“Oo.’’
“Kawawa naman ang asawa nila na narito sa Pinas, ano?’’
“Oo. Ang masama pa, parang hindi na nagpapadala ang lalaki ng pera sa kanyang pamilya. Pinabayaan na yata. Dalawa ang anak nila.’’
“Kawawa naman!’’ sabi ni Mayang.
Maya-maya, humawak si Mayang sa braso ni Jeff.
“Huwag ka na kayang bumalik sa New Zealand. Hayaan mo na lang ang separation pay mo,’’ sabi nito na may pag-aalala sa boses.
“Bakit?’’
“Natatakot ako.’’
“Huwag kang matakot. Nag-iisa ka lang dito sa puso ko. Isa pa, saglit lang ang ilalagi ko roon at uuwi rin ako.’’
Napayapa ang kalooban ni Mayang.
ARAW ng alis ni Jeff patungong New Zealand. Sa airport, umiiyak si Jeffmari at ayaw paalisin ang ama.
“Babalik agad ako, Jeffmari. Hindi ako magtatagal.”
“Gusto ko huwag ka nang umalis, Daddy!’’
“Promise, babalik agad ako!’’
(Itutuloy)
- Latest