Ang multo na umaasang babalikan ng nobyo
MAHIGPIT ang Hong Kong noong 70s sa illegal immigrant. Para sa mga taga-Mainland China, isang biyaya ang makapagtrabaho sa Hong Kong, kaya kahit sa illegal na paraan ay nagsisikap silang makapuslit dito.
Taong 1971, may magkasintahang taga-Mainland ang nagplanong pumuslit sa Hong Kong. Sumakay sila sa tren. Pagsapit sa isang istasyon na malapit sa campus ng Chinese University, tumigil ang tren upang bigyan ng pagkakataon ang mga pulis na i-check kung may permit ang mga pasahero na makapasok sa Hong Kong. Palibhasa ay walang maipakikitang permit, may naisip ang lalaki at ibinulong niya iyon sa kanyang girlfriend.
“Tatalon ako sa bintana bago makalapit ang pulis. Tapos sumunod ka sa akin.”
Buong tapang na tumalon ang lalaki. Sumunod ang kanyang kasintahan pero sa malas ay sumabit ang buhok nitong nakatirintas sa bakal na nakausli sa bintana. Ang katawan ng babae ay parang ibinitin sa labas ng bintana ng tren. Nagkataon na umandar na ulit ang tren kaya bigla itong tumilapon sa tabi ng riles. Dead on the spot ang babae.
Gusto ng lalaki na balikan ang girlfriend pero hindi niya magawa dahil tiyak na mabigat ang ipaparusa sa kanya. Nagpalabuy-laboy siya ng ilang araw hanggang may naawang magbigay sa kanya ng trabaho bilang katulong sa isang grocery. Hindi na niya inalam kung ano ang nangyari sa girlfriend. Baka pa iyon maging hadlang sa kanyang papagandang kapalaran sa Hong Kong.
Ilang buwan ang lumipas, nagsimula ang mga kababalaghan sa kalyeng pinangyarihan ng aksidente. Isang gabi, napansin ng estudyanteng lalaki na may nakatayong babae sa gitna ng kalye. Nakatalikod ito kaya naging kapansin-pansin ang nakatirintas niyang buhok. Inakala ng lalaki na magpapasagasa ang babae kaya nilapitan niya ito para payuhan.
“Miss…”
Lumingon ang tinawag. Halos panawan ng ulirat ang lalaki dahil puno ng dugo ang mukha nito. Hindi lang iisa, kundi umabot ng hindi mabilang ng lalaki ang pinagpakitaan ng babaeng nakatirintas. Malapit sa unibersidad ang kalyeng kinamatayan ng babae kaya estudyante ang madalas na pagmultuhan. Lalaki ang pinipili niya dahil ayon sa mga psychic, patuloy pa rin siyang umaasa na babalikan ng kanyang nobyo. Ang kalyeng pinagmumultuhan ay tinawag na One-Braid Road.
- Latest















