May dalawang ina
ANG anak na ito ay mahilig lumaklak ng alak. Kapag nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ay nagagawa nitong batuhin ng baso ang kanyang ina. O, kaya ay sinisinghalan niya ang kanyang ama kapag naaasar siya dito.
Ang ganitong trato niya sa ama’t ina ay nangyayari lamang kapag lasing siya. Kapag naman hindi nakainom ay maayos niyang pinakikisamahan ang magulang na bukod sa nakikitira ay sustentado rin niya.
Nagkasakit ang ina nang cancer. Kahit maliit lang ang suweldo ng anak ay pinilit niyang ipagamot ang ina. Sukdulang lumapit siya sa mga sangay ng gobyerno na tumutulong sa mga maysakit na mahihirap. Kahit pala walanghiya kung minsan sa magulang ay hindi niya magawang pabayaan ang inang maysakit.
Pinilit ng anak na agawin kay kamatayan ang kanyang ina. Nadugtungan pa ng tatlong taon ang buhay ng ina dahil naikuha ito ng espesyalistang doktor.
Itong isang anak na aking ikalawang kuwento ay matino kumpara sa nauna kong kuwento. Matino dahil hindi siya umiinom, hindi nambabato ng baso at nanininghal ng magulang.
May sakit din ang kanyang ina ngunit pinababayaan lang niya ito. Malaki ang bahay ng anak pero ayaw niyang patirahin ang ina sa kanila sa hindi malamang dahilan. Maramot siya sa kanyang ina. Nakikitira ang ina sa isang anak na mahirap at nangungupahan lamang sa isang maliit na kuwadradong silid. Palibhasa ay hindi naipagamot, namatay kaagad ang kawawang ina.
Pinag-aralan ko ang sitwasyon ng dalawang ina. Pareho silang mabuting ina sa kanilang anak pero bakit ang isa ay nasadlak sa ganoong nakakaawang sitwasyon? Karma kaya? Ang ina sa unang kuwento ay tahimik lang na tao. Ang ina sa ikalawang kuwento ay tsismosa, inggitera at mahilig manira ng kapitbahay. Hinala ko’y pinagbayaran lang niya ang kanyang atraso sa ibang tao.
- Latest