^

Punto Mo

Swimming pool ba o fool?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

KAGULAT-GULAT ang mga nadidiskubre sa National Bilibid Prison (NBP) compound na sumasaklaw sa mahigit na 254 ektarya ng lupain sa Muntinlupa City. Ang pinakahuli ay ang natuklasang paghuhukay sa may apat na ektaryang lupain na natatamnan ng matatandang punongkahoy.  Ang pinakamalalim na bahagi ay may lalim na 30 metro na katumbas ng taas ng isang siyam na palapag na gusali. 

Para saan ang malalim at mahabang hukay na ito? Ayon mismo sa sinuspindeng hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si General Gerald Bantag, ito’y para sa kanyang swimming pool project na balak niyang gawing pinakamalalim na pool sa Metro Manila para sa mga kawani ng (BuCor) na mahilig sa scuba diving na katulad niya. Ang may hawak ng record nang pinakamalalim na swimming pool sa buong mundo ay ang 60-metrong Deep Dive Dubai sa United Arab Emirates. 

Ayon kay BuCor OIC Gregorio Catapang, Jr., bahagi ng paghuhukay ang isang hindi natapos na tunnel na may taas na 170 centimeters sa bungad at maaaring umabot hanggang sa Muntinlupa Poblacion River. Para ba ito sa pagtakas ng mga bilanggo?  May mga haka-haka rin na ipinag-utos ang sikretong paghuhukay upang hanapin ang maalamat na kayamanan ni Yamashita na sinasabing ibinaon sa lupaing nasasakop ngayon ng NBP compound. May mga naghihinala na baka nga natagpuan na nila ang kayamanan ni Yamashita.

Ano ba talaga ang itinatayong ito, swimming pool o swimming fool? Ang “pool” ay ­languyan; samantalang ang “fool” ay pagiging hangal. Ang nangyayari sa NBP ay sumasalamin sa ­nangyayari sa lipunang Pilipino. Para tayong lumalangoy sa “swimming fool” o languyan ng kahangalan.

Sa ngayon, napakalaking kahangalan na maraming Pilipino ang naniniwala sa mga fake news na nakukuha sa mga social media platforms na tulad ng Facebook at YouTube. Ibig sabihin, marami sa atin ay kasinungalingan ang basehan ng paniniwala at pagpapasya. Umaalipin ang kasinungalingan, kaya nga sinabi ni Hesus na, “Ang katotohanan ang magpapalaya sa atin.”

Dumating tayo sa isang kalagayan na maging ang kasaysayang pinatunayan na ng maraming ebidensya sa mahabang panahon ay pinagtatangkaang baguhin. Ang malungkot, ang mga walang alam ay madaling mapaniwala. Wika ng political activist na si Marcus Garvey, “Ang mga taong walang malalim na kaalaman tungkol sa kanilang nakaraang kasaysayan, pinagmulan at kultura ay tulad ng isang punong walang mga ugat.” Hindi ba ito’y paglangoy sa languyan ng kahangalan?

Ang isang matatag na lipunan ay may mataas na pagpapahalaga sa mga moral values na katulad ng integridad at hustisya.  Pero sa kasaysayan ng ating pulitika, tila ang ginagantimpaalan natin ay ang mga pulitikong nasangkot sa anomalya, katiwalian, pag-abuso sa kapangyarihan, pagpapabaya sa tungkulin, imoralidad, at kawalang-kakayahan. Hindi ba ito’y paglangoy sa languyan ng kahangalan?

Baka nga ang kailangan natin ay sama-sama tayong maghukay ng tunnel upang makalaya sa bilangguan ng kahangalan. Tayong nakauunawa sa ating kasaysayan, pinagmulan at kultura ay may pananagutang magtayo ng malinis na swimming pool upang languyan ng susunod na henerasyon. 

Huwag nawang mangyari sa atin ang sinabi ng British philosopher na si Bertrand Russel, “Ang problema sa mundo’y ito: ang mga hangal ay laging sigurado sa kanilang sarili, samantalang ang matatalino’y laging puno ng pag-aalinlangan.”   

NATIONAL BILIBID PRISON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with