Ang totoong dakila
WALA nang tatalo pa sa malawak na pang-unawa ni Abraham Lincoln. Kasalukuyang Presidente si Lincoln noong kasagsagan ng Civil War sa Amerika.
Isang araw, binisita ni Lincoln, kasama ang kanyang secretary of war, ang bahay ng isang magiting na heneral na namumuno sa pagtatanggol ng bansa. Wala ang general nang dumating sila.
Pagkatapos ng ilang oras na paghihintay ay dumating din sa wakas ang mahusay na general. Ngunit sa pagtataka ng dalawang bisita ay hindi sila pinansin ng general nang dumaan ito sa salas na kinauupuan nila. Tuloy-tuloy ito sa itaas ng bahay patungo sa kanyang kuwarto. Naisip ng dalawang bisita na siguro’y magpapalit lang ito ng damit at saka sila haharapin.
Ngunit isang oras na naman ang lumipas pero hindi pa ito bumababa kaya’t inutusan nila ang katulong na tanungin ang general kung bakit hindi pa ito nagpapakita sa kanila. Bumalik ang katulong at ang sabi ay—
“Hindi na po niya kayang makipag-usap sa inyo dahil pagod po si General at kailangan na niyang matulog”.
Umakyat ang dugo sa ulo ng secretary of war at sabi kay President Lincoln—
“Mr. President, sa palagay ko’y dapat mong tanggalin sa posisyon ang hambog na general na ‘yan!”
Saglit na nag-isip si Lincoln. Pagkuwa’y sinabi na—
“Hindi ko magagawa iyon. Sobra ang hirap na naranasan niya sa pakikipaglaban at lahat ng laban ay naipanalo niya. Kulang pa ang maikling oras na itutulog niya sa hirap na kanyang naranasan. Kung iuutos niyang ipaglinis ko siya ng kanyang bota at pakainin ang kanyang kabayo ay susundin ko, bilang kapalit ng pagtatanggol niya sa ating bayan”.
“A great man is always willing to be little”—Ralph Waldo Emerson
- Latest