EDITORYAL - Mga matatakaw at ganid na negosyante, sampolan!
NAGSULPUTAN na parang kabute ngayon ang mga ganid na negosyante. Maski sa online ay rumaratsada sila at sobra ang pagsasamantala. Wala na silang iniisip kundi ang kumita ng pera kahit nakaharap ang mamamamayan sa matinding krisis hatid ng COVID-19.
Nakapokus ngayon sa mga bagay na panlaban sa virus ang mga mapagsamantala gaya ng face masks, alcohol, sanitizers, disinfectant at pati thermal scanners. Ang thermal scanners ang pinagkakakitaan nila nang limpak sapagkat ibinibenta nila nang triple ang presyo. Ang thermal scanner na ang presyo ay P3,000 ay ibinibenta ng P10,000!
Noong Miyerkules, isang babaing doktor ang hinuli ng Department of Trade and Industry (DTI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quezon City dahil sa pagbebenta nang overpriced thermal scanners. Nakumpiska sa kanyang apartment ang talaksan ng mga kahon ng thermal scanners. Kinasuhan na ang doktora.
Nahuli rin ng araw na iyon ng DTI at CIDG ang isang delivery van na naglalaman nang maraming kahon ng thermal scanners sa Laguna. Idedeliber na ang mga scanners sa customer. Sabi ng mga taong sakay ng van, napag-utusan lang sila at hindi nila alam ang tungkol sa scanners.
Noong isang araw, sinalakay din ang mga tindahan sa Bambang St., Sta. Cruz, Maynila at nakumpiska ang maraming botelya ng alcohol na ibinibenta nang sobra-sobra ang presyo. Napag-alaman ng DTI at CIDG, ang 60 ml. ng alcohol ay ibinebenta ng P80 hanggang P100. Ayon sa DTI ang suggested retail price (SRP) ng 60 ml. na alcohol ay P20 lamang.
Maraming nagsasamantala sa sitwasyon. Pati doktor naging ganid na rin sa pagbebenta nang overpriced scanner. Habang may mga doktor na namamatay dahil sa paglaban sa COVID-19, may doktor din naman na ang inaatupag ay ang pagkamal ng pera.
Marami pang mga mapagsamantalang negosyante ngayon kaya dapat mabilis ang aksiyon ng DTI. Hulihin ang mga ganid at sampolan.
- Latest