^

Punto Mo

Sangkatutak na tanong sa paglaya ni Sanchez

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAKAGUGULANTANG ang mga nangyayari sa ating bansa.  Kabi-kabila ang mga lumulutang na katiwalian na nagtatanong na tayo — ano ba ang problema natin, ang sistema o ang mga taong nagpapatakbo ng sistema? 

Ang pinakahuling hagupit na naranasan natin ay ang muntik nang pagpapalaya kay dating Mayor Antonio Sanchez na naka-kulong sa salang pagpatay at panggagahasa kay Eileen Sarmenta at pagpatay kay Allan Gomez noong 1993. Palalayain si Sanchez sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) law na nagbabawas ng mga araw ng parusa sa isang bilanggo dahil sa good conduct o mabuting asal.

Ayon sa ulat ng Bureau of Corrections, simula noong 2013 ay halos 2,000 bilanggo na ang nahatulan sa salang pagpatay, panggagahasa, pagnanakaw, ilegal na droga, kidnapping at panununog ang napalaya na sa bisa ng naturang batas. Dahil sa GCTA, maaaring mabawasan nang kalahati ang sentensiya ng isang bilanggo dahil sa mabuting asal.

Bagama’t sinuspindi muna ang pagpoproseso ng mga aplikasyon sa GCTA, sangkatutak na tanong ang ibinunga ng kontrobersiyang ito na pati ang Senado ay nagsagawa ng pagdinig sapagkat ito’y may kinalaman sa tinatawag na “corrections,” isa sa haligi ng “Criminal Justice System.”

Unang tanong, paanong naging kuwalipikado sa GCTA si Sanchez na nahatulan ng karumal-dumal na krimen? Ano ba ang batayan ng mabuting asal? Habang nakabilanggo, napaulat na si Sanchez ay pinagkalooban ng special privileges na katulad ng airconditioned na kuwarto na may television, hindi nagsusuot ng uniporme ng bilanggo, at ang malala, nahulihan ng shabu. Ang mga iyan ba ang mabuting asal?

Ikalawang tanong, hindi kaya for sale ang GCTA? Masisisi ba natin ang marami na nagtatanong kung magkano ang ibinayad ni Sanchez para siya’y mapalaya? Ito ang malungkot na nangyayari sa ating lipunan. Maging ang katarungan ay nabibili.  Kung mayaman ka, kayang-kaya mong papanigin sa iyo ang katarungan.

Ikatlong tanong, ilan sa mga napalayang bilanggo ang talagang nakapagpakita ng mabuting asal? Ilan sa kanila ang nagbayad para ideklarang may mabuting asal?  Tila tayo’y isang bansang litung-lito na kung ano ang mabuting asal? Maraming nagsasabi na kung si Sanchez ay may mabuting asal, wala nang may masamang asal sa Pilipinas.  Dahil sa kalituhan natin, may mga panukala na ibalik sa pagtuturo sa eskuwela ang Good Manners and Right Conduct.

Ikaapat na tanong, may pag-asa pa ba ang Pilipinas?  Sa kabila ng lahat, ayaw kong sabihin na wala na tayong pag-asa. Pag-asa na lamang ang ating pinanghahawakan. Pag-asa na may gagawin ang Diyos at pag-asa sa ating magagawa bilang mga Pilipino.

Ano ba ang mabuti? Itinuro ito sa atin ng Diyos? Ganito ang wika sa Mikas 6:8, “Itinuro na niya sa iyo kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.”

 Katarungan din ang unang pamantayan ng kabutihan. Ang ikalawa’y ang pagmamahal sa kapwa. Ang mas malawak dito’y ang pagmamahal sa bansa. Ito ang kulang sa atin, ang pagmamahal sa ating bansa. Kung mamahalin lang nating mga Pilipino ang ating bansa, matutuldukan ang katiwalian. At ang ikatlo’y ang pagpapakumbaba. Kung magiging mapagpakumbaba lamang ang mga nagkasala na aminin ang kanilang pagkakamali, mas magiging madali ang pagpapatawad at muling pagkakasundo ng magkakagalit.

Kahabagan nawa tayo ng Diyos!

SANCHEZ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with