Marmol
FIRST semester pa lang ng unang taon sa Law school ay limang kaklase ng aking anak ang nag-quit dahil sa sobrang pressure. May propesor silang naninigaw at nagpapalabas ng classroom sa estudyanteng kapag nagkamali ng sagot sa recitation. Hindi puwede sa kanila iyong kapag alam mo ang sagot sa tanong ng propesor ay itataas mo ang iyong kamay para ligtas ka na sa tanong na hindi mo alam ang sagot. Ang sistema ng lahat ng kanilang propesor ay bunot system. Magtatanong tapos babalasahin ang kanilang pangalan. Kung sinong mabunot ay siya ang sasagot sa tanong. Suwerte ka kung natapat sa iyo ay madaling tanong, malas mo kung ang tanong ay hindi mo alam ang sagot.
Kadalasan ay mga 2 to 4 inches ang kapal ng pahina ng libro na kailangan nilang tapusing basahin sa loob ng limang araw. Dito sa mga pahinang ito manggagaling ang mga tanong na ibabato sa kanila ng propesor. May isa silang propesor na nagbibigay pa ng sarcastic comment kapag walang makasagot sa kanila nang tama: “Mabuti pa ay kumuha na lang ako sa bundok ng taong pag-aaralin ko ng abogasya kaysa magtiyaga ako sa inyo.” Hinala nila ay tagaroon sa bundok na iyon ang propesor kaya paboritong banggitin ang lugar.
Kapag nalaman ng masungit na propesor na nag-quit ang isang estudyante ay sasabihan sila ng: “Kung ganyan pala kayo kaduwag sa sigaw pa lang ng propesor, kawawa naman ang inyong magiging kliyente kapag sinigawan kayo ng huwes”. Sa obserbasyon ng aking anak, umaarte lang ang propesor nila. Nagsusungit-sungitan lang upang subukan ang kanilang katatagan.
Parang kuwento ng dalawang pirasong marmol. Ang isa ay tumangging imolde siya ng iskultor para gawing obra dahil ayaw niyang pukpukin siya at durug-durugin ng martilyo. Ang ikalawa ay pumayag na imolde para gawing istatwa. Ang marmol na ayaw pumayag na pukpukin siya ay naging semento ng museum kaya tinapakan lang siya ng mga bisitang tumitingala sa marmol na naging “art piece”.
- Latest