‘Panyo’ (Part 1)
BATA pa lamang, mahilig na ako sa panyo. Natatandaan ko, nasa elementarya pa lamang ako ay nagpapanyo na ako—at hindi lamang isang panyo ang baon ko pagpasok—dalawa ang baon ko. Nakalagay ang isa sa bag at ang isa ay sa bulsa ng aking shorts.
Sabi ng aking nanay, bihira raw sa lalaki ang maging mahilig sa panyo.
“Bakit ba gusto mo lagi ay dalawang panyo ang baon, Brando?’’ tanong ni Nanay.
“Para may ekstra Nanay. Baka mawala ang isa e di mayroon pang matitira.’’
“Sabagay. Pero lagi kong nilalabhan dahil dalawa lang ang panyo mo. Kailangan, pagdating mo, lalabhan agad para matuyo at magamit mo kinabukasan.’’
“Puwede bang bumili sa palengke ng dalawa pa?’’
“Wala pang budget—baka pagnakasuweldo ang tatay mo sa susunod na buwan.”
Ang tatay ko ay nagtatrabaho sa munisipyo bilang clerk.
Hindi na ako nagpumilit pa.
Kung bakit nahilig ako sa panyo, ay hindi ko maipaliwanag—basta gusto ko na laging may panyo sa bulsa at may ekstra.
Siguro ay dahil sa lagi akong pawisin at sipunin din. Kaunting lakad lang ay pinagpapawisan na ako. At kapag natuyuan ako ng pawis ay sinisipon na ako. Siguro’y yun ang dahilan kaya hindi kumpleto ang aking pag-alis sa bahay kung walang panyo. (Itutuloy)
- Latest