Mayang (94)
“NATUPAD ang dasal ko na magkasama kayong muli, Jeff, Mayang. Salamat sa Diyos. Dalangin ko na habambuhay kayong magsama. Huwag nang magkakahiwalay at huwag nang magkaroon pa ng mga sagabal,’’ sabi ni Mam Araceli na halatang masayang-masaya sa mga nangyari kina Jeff at Mayang.
“Hindi na po kami magkakahiwalay pa, Mam Araceli. Kung aalis man ako patungong New Zealand, iyon ay para mag-tender ng resignation sa aming kompanya at para makuha na rin ang aking separation pay. Pagnagawa ko po iyon ay balik-Pinas na ako. Isa pa po kaya talagang hindi na ako magtatrabaho sa ibang bansa ay dahil kay Jeffmari. Ayaw na po akong paalisin! Umiiyak po siya!’’
“Kasi nga masyadong nasabik sa’yo,’’ sabi ni Mam. “Sana ay mag-ingat ka sa pagbalik sa New Zealand.’’
“Salamat po. Siguro po, matagal na ang dalawa o tatlong buwan ako roon at babalik na agad ako.’’
“Ingatan mo ang sarili, Jeff.’’
“Salamat po Mam.’’
“Dalawa ang naghihintay at nagmamahal sa’yo—si Mayang at si Jeffmari.’’
“Oo nga po. Mahal na mahal ako ng dalawang yan! Di ba Mayang dear?’’ sabay baling kay Mayang.
“Opo Sir,” sagot ni Mayang.
“Kapag naman wala kayong ginagawa sa probinsiya ay dadalawin ninyo ako rito sa Maynila,’’ sabi ni Mam.
“Opo. Buwan-buwan ay luluwas kami Mam para dalawin ka,’’ sabi ni Jeff.
“Opo Mam, lagi ka naming dadalawin.”
“Salamat sa inyong dalawa!’’
“Marami rin pong salamat sa tulong mo sa amin, Mam,’’ sabi ni Jeff. “Hindi ka po namin malilimutan.’’
DALAWANG araw bago umalis si Jeff, sinadya nila ni Mayang si Lolo Nado sa Socorro. Balak nilang sa bayan na patirahin ang matanda dahil kawawa naman at nag-iisa sa bukid.
“Lolo Nado, gusto po namin ni Mayang na sa bahay namin sa bayan ka tumira. Nag-iisa ka po rito sa kubo. Walang kuryente rito.’’
“Oo nga Lolo,’’ sabi ni Mayang. “Sa amin ka na tumira.’’
Tumingin nang makahulugan si Lolo Nado kina Jeff at Mayang. (Itutuloy)
- Latest