Pinakamatarik na kalsada sa mundo, matatagpuan sa UK
MATATAGPUAN sa tahimik na bayan ng Harlech sa North Wales ang isang magandang baybayin at ang isang matayog na kastilyo.
Ngayon ay may dagdag na naman sa listahan ng mga maaring maipagmamalaki ang Harlech dahil kamakailan lang, idineklara ng Guinness World Records na matatagpuan din doon ang pinakamatarik na kalsada sa buong mundo.
Ang kalye kasi ng Ffordd Pen Llech na bumabagtas sa gitna ng bayan ay tumataas ng isang metro sa bawat 2.67 metro ng haba nito.
Tinalo ng Ffordd Pen Llech ang isang kalsada sa New Zealand na isang dekada ring hinawakan ang titulo.
Ang pagkakakumpirma sa Ffordd Pen Llech bilang pinakamatarik na kalsada sa buong mundo ay dahil kay Gwyn Headley, isa sa mga residente ng Harlech na siguradong mas matarik ang kanilang kalsada kaysa sa may hawak noon ng world record.
Upang makonsidera sa world record para sa pinakamatarik na kalsada, kailangan munang pasok sa depinisyon ng kalsada ng Guinness ang anumang kalsada na gustong makuha ang titulo: kailangang bukas ito sa publiko at kailangang maari itong daanan ng mga sasakyan.
- Latest