Tange
TINDAHAN iyon ng Japanese products. Hindi kalakihan ang lugar kaya kahit hindi malakas ang usapan, maririnig iyon nang buong linaw kahit dalawang metro ang layo sa isa’t isa. Sa aking likuran ay may narinig akong nagtatanungan. Sa pamamagitan ng boses nila, nahulaan kong babae ang nagtatanong sa lalaki.
Babae: Paano paiikutin ‘yan?
Sumagot ang lalaki ngunit hindi ko naintindihan dahil nangibabaw ang talak ng ina na katabi ko, sa kanyang anak na makulit. Salamat at maya-maya lumabas na ng tindahan ang maingay na mag-ina. Nilingon ko ang babae at lalaking nagtatanungan sa aking likod. Kostumer ang babae, sales staff ang lalaki. Ang pinag-usapan nila ay isang gamit sa kusina na marahil ay pinagbabalakang bilhin ng babae pero hindi alam kung paano gagamitin. Nagsasalita pa ang lalaki ngunit pinutol na ito ng babae na iritado ang boses.
Hay naku, hindi mo maintindihan ang tanong ko. Ang TANGE-TANGE kasi! Sabay talikod, bitbit ang basket na puno ng pinamili, patungo sa cashier.
Lahat ng nakarinig ay napalingon. Kumulimlim ang expression ng mukha ng sales staff. Napaawa ako. ‘Yun sabihan ka ng tange ay napakasakit na, paano pa kung sa harap ng publiko. Napatingin sa akin ang dalaginding na katabi ko na pumipili ng kanyang bibilhing lotion. Napabulong ito na parang sadyang ipinarinig sa akin: “Ang sama ng ugali. Kung makapagsalita ng TANGE sa ibang tao, akala mo kung sino!” Nakangiti ang teenager sa akin. Gumanti ako ng ngiti.
Habang pumipili pa ako ng bibilhin ay may hindi kagandahang amoy ang pumasok sa aking ilong. Masansang. Amoy anghit. Ang lupit…to the highest level ang lakas ng putok! Iisa lang ang katabi ko kaya walang paltos na sa kanya nanggaling ang “putok”. Bukod dito, nang itinaas niya ang kanyang braso para abutin sa shelf ang sitsirya ay saka sumabog ang amoy. Nilingon ko. Matangkad na lalaki. Foreigner. White na white. Matanda na.
Pumila ako sa cashier. Ang babaeng nagsalita ng tange sa sales staff ang kasalukuyang nagbabayad. Marami kasi ang pinamili kaya naabutan ko pa. Nakita kong papalapit ang foreigner na may putok na tila pipila rin kaya pasimple kong inilabas ang aking panyo. Siyempre sa likod ko siya pupuwesto. Pero hindi pala. Inihagis lang niya ang pahabol na sitsirya sa babaeng nagsalita ng tange.
“Honey, here’s another one!”
Muntik nang tamaan ang mukha ng isang nakapila.
“Oh, heeney, carefowl…(tumingin ang babae sa taong muntik nang tamaan)…sarrry.” Ganoon ang pronunciation ng babae dahil pilit niya itong nilalagyan ng American accent. Ang babaeng walang pakundangan magsalita ng tange ibang tao ay misis pala ng foreigner na may malakas na putok. Masama ang salitang lumalabas sa kanyang bibig dahil mabaho ang pumapasok sa kanyang ilong. Theory ko lang naman iyon.
- Latest