Pakiusap
NOONG may civil war sa America, pinuproblema ng isang binata ang nakatakda niyang pag-iwan sa kanyang ina at kapatid na babae dahil ipadadala na siya sa giyera ng Union Army. Gusto sana niyang humingi sa gobyerno ng exemption para sa military service. Ang kanyang ama at kapatid na lalaki ay kapwa namatay sa pakikipaglaban kaya siya na lang ang inaasahan ng kanyang ina at kapatid na babae na magsaka sa kanilang bukid na tanging pinagkukunan nila ng kabuhayan. Spring na noon at panahon ng pagtatanim sa bukid.
Bago dumating ang takdang araw ng pagpapadala sa kanya sa civil war, naisipan niyang pumunta sa White House para makiusap kay President Abraham Lincoln na ma-exempted na siya sa military service. Ngunit sa guwardiya pa lang na nasa gate ay binara na siya.
“Maraming ginagawa ang Presidente. Kaysa abalahin mo siya ay pumunta ka na sa giyera at tulungan mo ang mga sundalo natin na puksain ang mga rebelde!”
Tuluyan nang nawalan ng pag-asa ang binata. Naupo siya sa isang tabi na hindi kalayuan sa gate. Nanlulumo siya sa isinagot sa kanya ng guwardiya. May nanonood pala sa kanya na isang batang lalaki. Tila binabasa nito ang emosyong nakaguhit sa mukha ng binata.
“Bakit ka malungkot?” tanong ng bata
Sinabi ng binata ang kanyang problema na para bang matanda ang kanyang kinakausap.
“Halika, sumama ka sa akin para makausap mo ang Presidente.”
Ewan ba kung bakit ganoon na lang ang tiwala niya sa bata. Sa likod ng White House sila dumaan. Hindi sila sinita ng mga guwardiya, sa halip sinaluduhan pa ang bata. Pagsapit sa tapat ng pintuan ng isang silid, hindi kumatok ang bata pero marahan niyang binuksan ang pintuan. May ilang taong kausap ang Presidente. Luminga ito sa kinatatayuan nila at pagkatapos ay ngumiti sa bata.
“Yes, Todd, anong kailangan mo anak?”
“Daddy, may gusto pong makiusap sa iyo.”
Ipinaliwanag ng binata ang kanyang sitwasyon at hindi nagdalawang isip ang Presidente na bigyan ito ng exemption sa military service.
Parang relasyon ng mga tao sa Diyos. Tayo rin ay may “access” sa ating Ama sa langit, sa pamamagitan ng kanyang anak na si Hesus. “Ama, may gustong makiusap sa iyo”.
Kaya ganito tayo manalangin sa kanya: “Our Father in heaven, hallowed be your name” (Matt 6:9)
- Latest