Biyenan
MABAIT na anak si Mita kaya hindi kataka-takang mabait din siyang manugang. Pero kapag sobrang mabait pala ang isang tao, ang tendency ay inaabuso sila ng kanyang kapwa or to be exact, ng kanyang biyenan at asawa.
Pinipintasan si Mita ng kanyang biyenan at asawa na hindi raw marunong magpalakad ng household. ‘Yun tipo bang tinatanga-tanga. Tanga raw sa gawaing bahay. Tangang magdi-siplina ng mga anak. Tangang mag-budget ng kanyang suweldo. Dahil tatanga-tangang mag-budget, sinasamsam ng kanyang mister ang buong suweldo niya at ibinibigay sa ina upang ito ang humawak ng pera at mamahala ng household budget.
Pinagtutulungan ng mag-ina ang kawawang si Mita. Ang nakakapanggigil sa istorya ni Mita: Walang trabaho ang mister niya kaya ang impresyon namin ay super kapal ng apog ng biyenan nito para makialam ng suweldo ng kanyang manugang. Mauunawaan mo pa kung ang lalaki ang naghahanapbuhay at si Mita ang nakatambay kaya puwede pang piliting unawain ang inaasal ng biyenan. Kahit may sariling bahay sina Mita ay nagagawang makialam ang biyenan dahil magkatabi lang ang bahay nila.
Ang nangyayari tuloy, kahit gustong tulungan ni Mita ang mga magulang niyang naghihikahos sa buhay ay hindi niya magawa dahil sinamsam ng asawa at biyenan ang suweldo niya. Ang puna ko lang kay Mita, pinapabayaan niyang abusuhin siya kaya nawiwili ang kanya asawa at biyenan na gawin iyon sa kanya. Kaming mga kaibigan ay walang magawa kundi mapahingasing na lang sa sobrang inis sa mga kaganapan.
Sabi nga ng sikat na manunulat na si Mark Twain: Pinakamasuwerteng nilalang sina Adan at Eva dahil wala silang biyenan na pinakisamahan.
- Latest