‘Pala’ (Part 15)
MINSAN isang araw ng Sabado na wala akong pasok sa unibersidad, hinukay ko ang pagitan ng mga plot na may tanim na gulay para hindi umapaw ang tubig kapag ako ay nagdidilig.
Napansin ni Mam ang pala na lagi kong ginagamit sa paghuhukay at sa pagpapantay ng lupa.
“Napapansin ko Juanito na paborito mong gamitin ang palang yan. Di ba yan ang pala na ipinakuha mo ng minsang umuwi ako sa probinsiya?”
“Opo Mam. Ito po ang lagi kong ginagamit. Ito po ang ginamit ko sa vegetable garden mo sa probinsiya.”
“Bakit naman naging paborito mo ang pala?”
“Malaki po ang hinala ko na may dalang suwerte sa akin itong pala na ito.”
“Talaga? Bakit mo nasabi?”
“Mula po nang mapasaakin ang pala na ito, nagkasunud-sunod na po ang magagandang nangyari sa buhay ko at sa aking pamilya. Una po, nakilala ko ikaw Mam. Binigyan mo ako ng trabaho at kumita ako ng pera pati ang kapatid ko. Ikalawa, pinatira mo ako at pinag-aral dito sa Maynila at ikatlo, binigyan mo uli ako ng trabaho rito. Yan po ang mga suwerteng sa palagay ko ay dala ng palang ito.”
“Saan mo nakuha ang pala na yan, Juanito?’’
“Napulot ko po ito sa kalsada habang ako ay pauwi galing sa school. Inayos po ni Itay at mula noon, ginamit ko na sa mga gawain sa bukid. Kapag ginagamit ko po ito ay parang hindi ako nakadarama ng pagod.’’
“Aba, kahawig ng kuwento mo ang nangyari sa aking namayapang ama. Halos ganyan din ang nangyari sa kanya, Juanito.”
Hindi ako makapaniwala sa sinabi ni Mam.
(Itutuloy)
- Latest