Mass transport, matutukan sana!
Dalawang magkasunod na araw na nagkaproblema ang MRT 3.
Noong Lunes inis-inis ang maraming mananakay nito makaraang tumirik sa southbund lane area ng Quezon Avenue station dahil sa problemang teknikal.
Kinailangang magsibaba ang lahat ng pasahero matapos nga ang aberya at kinagabihan nito brownout naman ang inabot na problema.
Bunsod nito, sumalubong ang mahabang pila mula sa pagbaba at pagsakay ng tren ng mga pasahero sa nasabing istasyon. Maging ang mga senior at may kapansanan nahirapan sa pagsakay dahil hindi rin gumana ang mga escalator sa istasyon.
Manu-mano na lamang kinuha ng mga guwardiya ang mga single journey ticket ng mga pasahero habang ang may hawak na stored value ticket ay pinadaan na lamang.
Hindi pa batid kung ano ang dahilan ng pagkawala ng supply ng kuryente at iniimbestigahan na raw ito (DOTC).
Kaya nga dahil sa ganitong mga pangyayari, hindi pa kasama ang mga naging aberya sa mga nakalipas na araw umuusok na naman ang ilong at tainga ng mga pasahero na katulad nang dati naperwisyo sa hindi nito kagandahang serbisyo.
Ngayon ko tuloy naikukumpara ang maayos at maginhawang mass transportation sa mga bansa sa Europa na kamakailan lamang ay napasyalan namin ng aking pamilya.
Nakakainggit naman talaga ang kanilang mga mass transport na alaga ng gobyerno.
Sunud-sunod ang daan ng mga maayos na train, kumbinyente sa mga mananakay. Hindi lang iisa o dalawa ang mga riles, kaya nga minu-minuto may darating na train. Kaya naman ito na ang tinatangkilik ng kanilang mga mamamayan, maging ang mga mayayaman o executive makikita mong kahit nakatayo , nagtitiyaga sa tren. Resulta walang matinding trapik sa lansangan dahil kaunti lang ang gumagamit ng pribadong sasakyan.
Hindi lang ang mga train ang naalagaan, maging ang mga bus at tram na kabikabila eh daan nang daan.
Kung magagawa lang sana ng pamahalaan ang ganitong ka-konbinyenteng transportasyon sa mga mamamayan kahit kalahati lang nito, siguradong pati ang problema sa trapik eh masosolusyunan nang agad-agad.
- Latest