Antigong barya mula kay Angel
PAGKATAPOS ng maghapong paghahanap ng trabaho ay dumaan si Celina sa karinderya dahil gutom na gutom na siya. Ang interview at exam niya ay napatapat sa oras ng tanghalian kaya nawalan siya ng pagkakataong kumain. Magsisimula na siyang sumubo nang isang batang babae ang kumalabit sa kanya. “Ate, pahingi ng pagkain…nagugutom po ako”. Napatitig siya sa bata. Hindi ito umaarte. Totoong gutom na gutom kagaya niya. Maraming tao sa karinderya at abala ang mga waitress kaya hindi napansin ang pagpasok ng batang pulubi.
May ekstrang pinggan at kutsara sa mesang kinaroroonan ni Celina. Kinuha niya iyon at doon inilagay ang kalahati ng kanin at ulam na kinakain niya.
“Halika, hati tayo. Wala na kasi akong pera para ibili pa kita ng ekstrang pagkain. Jobless kasi ako.”
Sa sobrang gutom ng bata ay naunahan pa niya si Celina na maubos ang pagkain.
“Salamat ate. O, sa iyo na lang itong baryang napulot ko kanina.”
“Thank you, may souvenir ka pa sa akin, ha-ha-ha. Anong pangalan mo?”
“Angel po.” Pagkasabi ng pangalan ay tumakbo na ito palayo sa karinderya. Wala sa loob na itinago niya ang barya sa kanyang wallet.
Isang taon nang naghahanap ng trabaho si Celina at isang taon na rin siyang graduate ng Business Management pero wala pa ring makuhang trabaho. Isang araw habang naghahanap siya ng vacancy sa diyaryo ay natawag ang kanyang pansin ng isang advertisement: May nakalarawang barya. Ang barya raw na iyon ang nawawalang antique coin na kailangang makuhang muli ng may-ari. Ang sinumang makakapagsauli ng coin ay may pabuyang P10,000. Dali-dali niyang kinuha ang coin na ibinigay ng bata. Pinagkumpara niya ang hitsura nito sa nasa larawan. Nang matiyak niyang iyon nga ang coin na pinaghahanap, nagpasama siya sa kanyang ama para isauli ang coin.
Pagkaraang tanggapin ang pabuyang P10,000 ay ipinagtanong niya ang batang pulubi sa paligid ng karinderyang kinainan niya. Plano niyang hatian ang bata ng perang natanggap pero sa kasamaang palad, walang nakakakilala dito. Base sa kanyang mga nakausap, walang bata na nag-e-exist sa lugar na iyon. Naalaala ni Celina, lagi siyang nagdadasal sa kanyang guardian angel na magkaroon sana siya ng puhunan para magtayo ng negosyo. Gusto niyang isipin na kanyang guardian angel ang nagbigay ng lumang coin sa kanya. Nagtayo siya ng karinderya sa tapat ng kanilang bahay. At tuwing Miyerkules ay nagpapakain siya ng libreng arroz caldo sa mga batang kalye na nakatambay malapit sa simbahan bilang alaala sa batang si Angelica.
- Latest