‘95th sa pinaka-korap’
HINDI yata nakikita ni Ombudsman Conchita Morales ang buong larawan ng korapsyon sa bansa.
Sasang-ayon ako sa sinabi niya, marami sa mga nakaupo sa gobyerno, kurakot. Subalit, mali siya na karamihan daw dito ay mga nasa lokal na pamahalaan.
Kaya rekomendasyon ni Ombudsman, huwag iboto ang mga mga lider na walang integridad.
Hindi ko alam kung nagbubulag-bulagan si Morales o sadyang may interes lang na pinuprotektahan.
Ayaw tumingin ng diretso sa buong hanay ng mga nakaupo sa gobyerno. Bagkus ang kanya lang kinakaya-kaya yung mga maliliit na buwaya sa ibaba.
Kulang na lang sabihin niya, malinis ang mga nasa itaas na kinabibilangan ng mga gabinete, sekretaryo, senador, kongresista, gobernador at iba pa.
Hindi naman sa nagmamagaling at nagtututuro. Sino ba ang laman ng mga balita halos araw-araw dahil sa umano’y korapsyon at pagnanakaw?
Sino ba ang mga sangkot sa bilyones na kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP)? Iba pa ‘yung Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sino ba ang mga inaakusahang nagbubulsa ng mga milyones na halaga ng proyektong imprastruktura? Sino ang may mga malalaking allowance? Sino ang naaambunan ng malalaking proyekto tulad ng farm-to-market road at iba pa?
Hindi ako nag-aakusa. Bato-bato sa langit, ang tatamaan, mabukulan!
Itong namang mga nasa Palasyo palibhasa hindi nabanggit may bwelta agad sa mga kritiko at sa publiko.
Huwag daw pansinin ang persepsyon. Kung dati kasi pang-85 ang Pilipinas sa pinaka-kurakot na bansa, ngayon pang-95 na.
Ayon sa Malakanyang i-sentro nalang daw ang atensyon at pansin doon sa katotohanan.
Ang Transparency International Corruption Perception Index (TICPI) ang sinasaltik ng Palasyo. Mga dayuhang nagbibigay ng pananaw sa bansa base sa kanilang mga nakikitang ipinangako ng mga namumuno sa ating bansa, resulta at kinahinatnan.
Tanong, ano ba ang tinutukoy ng Palasyo na katotohanan?
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest