Sinong nagpauso ng pagbabatuhan ng putik kung eleksiyon?
SI John Adams ang ikalawang Presidente ng U.S. samantalang si Thomas Jefferson ang kanyang Bise Presidente. Ngunit bago matapos ang kanilang termino, ang dalawa ay nagkaroon nang matinding away. Kaya nang nagdeklara si Adams na siya ay tatakbong muli para sa ikalawang termino, nagdeklara rin si Jefferson ng kanyang intensiyon na tumakbo upang kalabanin ang kanyang dating boss.
Ayon sa kasaysayan ng U.S. Presidential election, noong 1800 election ipinanganak ang “smear campaign” sa nasabing bansa.
Naging magkaibigan ang dalawa nang magkasama sila sa committee ng Congress para bumuo at magsulat ng Declaration of Independence and U.S. Constitution. Ang pagkakaibigan ay nagpatuloy hanggang sa magkasama nilang pinamunuan ang U.S.
Naging madalas ang pagtatalo ng dalawa tungkol sa pagpapatakbo ng bansa kaya bago matapos ang kanilang termino, ang dalawa ay hindi na nagkikibuan. Lalong lumaki ang kanilang pagitan nang ideklara ni Jefferson ang intensiyon na tumakbong Presidente.
Noon nagsimula ang pangangampanya na may halong paninira sa kalaban. Naging sobra nang personal. Ang banat ng kampo ni Jefferson kay Adams: Ang Presidente ay may nakakalitong katauhan na tinawag nilang “hermaphroditical character” tigasin na parang lalaki ngunit malambot din na parang babae. May pinakalat pa sila ng kalokohang poster ni Adams na naglalarawan ng isang bulag, kalbo, lumpo at bungal.
Ang ganti naman ni Adams kay Jefferson: Kapag daw ito ay nanalo, kailangang itago ng mga kalalakihan ang kanilang asawa at mga anak na babae dahil si Jefferson ay isang rapist. Ang dating First Lady na si Martha Washington ay paniwalang-paniwala kaya nasabi nito na si Jefferson ang pinakamasamang nilalang na hindi dapat iboto ng mga tao.
Pagkahaba-haba man ng batuhan ng putik, ang isa ay nagwakas na talunan. Natalo ni Jefferson si Adams. Sa sobrang “bitterness” hindi dumalo si Adams sa inauguration ng bagong Presidente noong Marso 1801.
“Politics is not a dirty game but many politicians play it dirtily”.
Mohdmustafa’99
- Latest