Pa-contest ni Torre sa paramihan nang huli, nakatatakot na mensahe!
MAAGANG binatikos ang bagong Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III sa kanyang pahayag na “paramihan nang huli” ang kanyang mga tauhan. Baka nga naman maabuso na naman ang programa tulad ng “Oplan Tokhang” ni dating PNP chief at ngayo’y senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Si Torre ang kauna-unahang Philippine National Police Academy (PNPA) graduate na naging PNP chief. Karamihan ng mga station commander ngayon ay produkto ng PNPA kaya kabisado ni Torre ang pulso ng mga ito at hindi papayag na dungisan ng lagim ang akademya na kanilang pinagmulan. Harinawa!
Kung naipatupad lamang ang programang war on drugs sa panahon ni Duterte na walang cash reward, hindi sana humantong sa malagim na kabanata ang ating bansa. Ang war on drugs ni Duterte ang naging dahilan para siya ipaaresto ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 11, 2025 sa NAIA. Bakit daw dinoble na nga ang suweldo ng PNP personnel, nagpa-contest pa nang paramihan ng mato-tokhang?
Naging agresibo ang PNP noon upang masawata ang pamamayagpag ng illegal drugs operators. Pero ang naisasakripisyo ng operations ay ang mga smalltime criminal drug pushers at users. Gaya nangyari kay Kian delos Santos na binaril at napatay ng tatlong pulis sa Caloocan City noong gabi ng Agosto 16, 2017.
Malawak na ang iginagalaw ng social media at marami sa mga ito ay alaga ng mga bigtime businessmen at magkakalabang political wards. Napakahirap salain ang katotohanan sa mga pigura, galaw at mensaheng pinakakawalan nila. Remember the word Artificial Intelligence
Lulong na ang buong mundo sa artipisyal na pamumuhay at maging ang mga bagong sibol na relihiyon ay naghahatid na rin ng artipisyal na kabanalan. Nagpapayaman mula sa handog na “ikapu” ng kanilang kawan. Nabubuhay na mariwasa mula sa pawis ng mga church goers na ang karamihan ay humihingi ng awa at pagpapala sa Diyos ng Sanlibutan dahil sa kanilang pangangailangan.
Magpakatotoo na sana ang mga pulitiko at kagawad ng ating gobyerno lalo na sa ating kapulisan. Bigyang parangal ang mga tapat na lingkod bayan at sibakin ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.
- Latest