‘Poe pumuputok pa’
PARANG isang manok sa rueda na may tama na si Senador Grace Poe ay kumikikig pa at kung suswertehin matamaan ang kalaban ng isang three point shot sa kili-kili at manalo pa.
Isa sa imposible para sa isang ‘foundling’ ay ang patunayan ang kanyang pinagmulan at angkan.
Ayon kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno na ang kahalagahan ng kahit na anong desisyon mula sa mataas na hukuman ay magiging hamon para kay Poe sa kanyang ‘disqualification’ at ang henerasyon ng mga foundlings ay makakaapekto sa pagreresolba ng kaso.
Imposible na mahanap pa ng isang foundling ang kanyang pinagmulan dahil hindi naman niya ito nakilala. Ang paghiling nito ay tumataliwas sa Philippine Adoption Laws na ang foundling ay isang Pilipino kung ito ay natagpuan sa teritoryo ng Pilipinas.
“We have to be careful that we’re not held by a rigid reading of what we consider as a failure to enumerate foundlings. We are going to create unintended consequences, the difficulties of which are not only going to be visited on your client but on so many foundlings in this country,” pahayag ni Sereno sa tatlong oras na ‘oral arguments’ tungkol sa kaso ni Poe.
Gusto ding matutukan dito ang karapatan ng mga foundlings dahil malaki ang implikasyon nito hindi lamang kay Sen. Grace kundi maging sa mga katulad niya.
Kung ano daw ang batas ng bansa sa ‘domestic at international adoption’ na ipinatutupad na ang mga foundlings sa Pilipinas ay Pilipino, ganun pa man may ‘jurisdiction’ ang Korte ng Pilipinas dito.
Ang Republic Act No. 8552 “An act establishing rules and policies on the domestic adoption of Filipino Children, and for other purposes.”
Sakop ng batas na ito ang patakaran sa pag-aampon ng batang Pilipino.
Republic Act No. 8043 “An act establishing the rules to govern intercountry adoption of Filipino children and for other purposes.”
“The legislature itself accords foundlings the presumption of citizenship,” pahayag ni Alexander Poblador na counsel ni Sen. Poe.
Walang din daw naipasang mga ebidensya na ang Senadora ay isang ‘foreigner’.
Nagkaroon din ng katanungan si Associate Justice Marvic Leonen kung nagsumite ba ng sapat na ebidensya sa Comelec na ang Senadora ay isang natural-born Filipino Citizen, kung saan hindi naman nagkaroon ng mga pagdinig dito.
Tungkol naman sa residency issue, inilaban ni Poblador na nanirahan ang Senadora sa Pilipinas mula nang siya’y ipanganak maliban na lamang nung labing apat na taon siyang nasa United States.
Hindi din daw sinabi na ang sampung taon na kailangang pagtira sa bansa para makatakbo bilang Presidente ay tuluy-tuloy dapat.
Hiniling ni Justice Antonio Carpio ang ‘income tax returns’ ni Poe noong 2005 at 2006 habang hiniling naman ni Justice Teresita Leonardo-De Castro na isumite sa korte ang basehan na ginamit ng Bureau of Immigration na idinedeklarang natural-born citizen ito.
Sa naging ‘oral argument’ na ito nabuhayan ng loob si Sen. Poe na mapayagan siyang tumakbo bilang Pangulo ng bansa. Kailangan niyang isumite lahat ng hinihingi ng Korte para maging ebidensya niya at makatulong sa kanya sa labang ito.
Kapag pinal na ang lumabas na desisyon ay dun na natin malalaman lahat kung papayagan ba siyang tumakbo o tuluyan nang madidiskwalipika.
May pag-asa pa si Poe? Ang isang tao ba na tinalikuran ang kanyang citizenship at sumumpa na sa Estados Unidos ay meron pang moral ascendancy? Yan ang kwestiyong moral na nais kong tanungin.
Sa ating mga kababayan, walang pinagkaiba yan sa iniwan mo ang iyong asawa, sumama ka sa iba, humarap kayo sa dambana at ngayong may nakita kang pagkakataon balikan ang lalaking iniwan, sa kanya ka naman susumpa?
Isang diretsuhang tanong ang nais kong ibato kay Sen Poe, kung ikaw ba ay matalo nang sinabi mo na ang dugong nananalaytay sa iyong mga ugat ay dugo ng Pilipino at gusto mong maglingkod sa ating mga kababayan, tutulong ka pa rin ba? O tatakbo ka kay Uncle Sam? Dun ka maninirahan at dahil ang asawa mong si Teodoro Llamanzares ay isang American Citizen balik ka na naman sa pagiging Amerikano.
Pinoy, Kano, Pinoy at baka Kano na naman, ano ba talaga Ate? San ka ba pupwesto?
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
- Latest