‘Cold sore’ sa labi
MADALAS din tayong makaranas ng pagbibitak ng labi lalo na kapag malamig ang panahon. Pero iba po ang simpleng pagbibitak ng labi sa tinatawag na “cold sore”. Ang cold sore ay ang pagsusugat ng labi dulot ng virus na kung tawagin ay Herpes simplex (oopss, huwag magpanik, iba po ito sa herpes na sexually transmitted disease na karaniwang nakikita sa ari: Herpes genitalis ang tawag doon). Ang naturang virus kasi ay maaaring permanente nang naninirahan sa mga ugat ng ilan sa atin, bata man o matanda.
Kapag nagbago ang temperature ng balat – dala ng malamig na panahon o ng pagbibilad sa init ng araw – naa-activate ang mga virus na ito at nagdudulot ng pagkakaroon ng maliliit na blisters (parang paltos na may tubig sa loob). Kapag pumutok ang mga naturang blister, nagsusugat ito at nagtututong, bago ito tuluyang gumaling.
Karaniwang makikita ang cold sores sa labi at sa ilalim ng butas ng ilong (nostril). Minsan din, lumalabas ito sa iba pang bahagi ng mukha. Sa simula ay parang mga pantal na mapula sa dakong labi o nostril na mangati-ngati. Tapos, lalabas na ang mga maliliit na blister o pagtutubig sa balat.
Nagtatagal ito sa loob ng 10-14 na araw.
Ano ang mga posibleng solusyon?
Huwag salatin ang apektadong bahagi ng mukha, lalo na kung may blister (o parang nagtutubig na).
Panatilihing malinis ang mga kamay (upang hindi ma-infect sakaling masalat ang blister nang di sinasadya)
Magpahid ng Vaseline cream upang mapanatiling mamasa-masa ang lugar (at hindi tuyo) habang may cold sore.
Kung nagnana ang cold sore, baka naimpeksyon ito. Magpakunsulta sa doctor nang mabigyan ng tamang gamot. Baka kailanganing magpahid ng antibiotic ointment. Karaniwan kasi, hindi ginagamot ng antibiotiko ang cold sore dahil nga virus ang organismong may dala nito.
Puwedeng regular na maglagay ng mga anti-viral cream sa apektadong lugar para hindi na kumalat pa ang atake ng cold sores.
Siguraduhing walang ibang gagamit ng tuwalya at bimpo ng taong meron nito.
Huwag munang humalik sa iba. Kung bata ang may cold sore, sabihan siya na huwag munang hahalik sa ibang bata. Puwede kasing mailipat ang virus sa pamamagitan ng paghalik.
Kung nagkakaroon ng cold sore ang bata kapag naglalaro sa init ng araw, magpahid ng sunblock sa kanyang mga labi o ilong bago pa ito magbilad sa araw.
- Latest