Ang Diyos at ang Barbero
NAKAKUWENTUHAN ng kostumer ang kanyang barbero habang siya ay ginugupitan. Napadako ang usapan nila sa lu-malalang corruption sa gobyerno, ang dumaraming problema ng mga tao kagaya ng kahirapan at mga lumulutang na sakit na wala pang natutuklasang lunas.
Napabuntung-hininga ang barbero na para bang damang-dama ang kanilang pinagkukuwentuhan. “Kaya hindi ako naniniwala na may Diyos. Kung totoong may Diyos, bakit maraming tao ang nagugutom, walang makuhang trabaho kaya napipilitang magnakaw. O, ‘yung mahihirap na maysakit ay hinahayaan na lang mamatay dahil walang perang pampagamot.”
Hindi sumagot ang kostumer na nagkataong isang pastor. Nag-iisip siya ng magandang paliwanag sa barbero tungkol sa mali nitong paniwala. Nasulyapan ng pastor ang nanlilimahid na taong grasa na nakaupo sa labas ng barberya. Magulo at mahaba ang buhok nito na para bang minsan ay pinamahayan ito ng gagamba at nag-iwan ng katakot-takot na sapot.
Nagsalita ang pastor. “Kung hindi ka naniniwala na may Diyos, ako naman ay hindi naniniwala na may barbero sa mundong ito.”
Napangisi ang barbero. “Paano mo nasabi ‘yan, eh, narito ako sa tabi mo at kasalukuyang ginugupitan kita.”
“Kung talagang may barbero, bakit ang taong grasa na nasa tapat ng iyong barberya ay mahaba ang buhok? Bakit walang mag-ayos at gumupit ng kanyang buhok?”
Saglit na nag-isip ang barbero. Maya-maya ay nagsalita.
“Nasa paligid lang ang mga barbero. Humahaba ang kanilang buhok dahil hindi sila lumalapit sa amin para magpagupit. ”
“Iyon ang gusto kong ipaliwanag sa iyo kanina. Nariyan lang ang Diyos pero hindi lumalapit ang ibang tao sa Kanya para magpatulong sa kanilang mga problema.”
- Latest