‘OFW, ikinahihiya ng gobyerno’
KULANG na lang ikahiya ng gobyerno ang overseas Filipino workers (OFW).
Matatapos na lang ang termino ng kasalukuyang administrasyon, hindi pa rin nito kinikilala ang kontribusyon ng sektor ng OFW.
Lamig ang kanilang pagtrato. Hindi binibigyang-pugay sa bilyong dolyares na ipinapasok sa ekonomiya ng bansa.
Hindi man lang nakaringgan at nakakitaan ng mga programa para sa mga OFW at sa kanilang mga naiwang pamilya. Bagkus, puro pagbabalewala.
Sa halip na magpasalamat sa sektor ng OFW dahil sila ang dahilan kung bakit lumulutang ang ekonomiya, binubutawan pa.
Pumutok ang kontrobersyal na isyu ng balikbayan box. Doon na nga lang bumabawi ang mga modernong bayani sa kanilang pamilya, gusto pang patungan ng Bureau of Customs (BOC) ng malaking tax.
Hindi pa man natatapos ang kaguluhang ito kung saan maraming OFW ang umalma, sumunod naman ang tanim-bala.
Dahil sa pambabastos at pamba-bastardong ito ng gobyerno sa mga OFW, nagbanta ang buong sektor ng remittance holiday. Pinagtawanan at minaliit lang ito ng administrasyon.
Ayon sa Palasyo, hindi naman daw pamahalaan ang direktamenteng maaapektuhan kundi ang kanilang mga pamilyang magugutom.
Hindi yata naiintindihan ng administrasyon, consumption-driven economy ang Pilipinas. Hindi tulad ng mga karatig-bansa natin sa ASEAN region, investments-driven ang kanilang ekonomiya.
Ibig sabihin, ang malaking kontribusyon ng paglago ng kanilang ekonomiya ay mula sa mga dayuhang imbestor na namumuhunan sa kanilang bansa.
Sa Pilipinas, kaya gumaganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa, dahil sa kumpyansa ng mga mamimili na gumastos. Karamihan sa kanila kaanak o pamilya ng mga minamaliit na OFW.
Ayaw itong sabihin ng administrasyon.Malaking sampal ito sa kanila dahil sila ay mga manpower export.
Dahil hindi mabigyang trabaho sa Pinas, napipilitang lumabas nalang bansa para humanap ng mailalaman sa kanilang sikmura.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest