Hayaang kumandidato ang lahat
NAGDESISYON kahapon ang Comelec na tanggapin ang certificate of candidacy ni Rodrigo Duterte bilang kandidato sa 2016 presidential elections.
Sa botong 6-1, mayoryang inaprubahan ng Comelec ang paghalili ni Duterte kay Martin Diño bilang standard bearer ng PDP-Laban.
Ibig sabihin, opisyal nang kandidato si Duterte at winakasan na ang mga agam-agam na hindi pahihintulutan ang paghalili nito kay Diño na naunang kinakitaan ng depekto.
Gayunman, maari pa rin na maghain ng hiwalay na disqualification case ang sinumang tutol sa kandidatura ni Duterte.
Si Sen. Grace Poe na isa ring presidential candidate ay nasa balag ng alanganin ang kandidatura dahil sa disqualification case na inihain dito. Napagdesisyunan na ng dalawang dibisyon ng Comelec na ibasura ang CoC ni Poe.
Kung mapagdesisyunan ng Comelec en banc na kanselado ang CoC ni Poe, tanging Supreme Court na lang ang makasasagip sa kandidatura ng senadora.
Pero sa ikatatahimik ng lahat ng sector, makabubuting hayaan na lang kumandidato ang lahat maging sina Duterte at Poe upang maraming mapagpilian ang mga botante.
Kapag ito ang nangyari, matatapos na ang mga alegasyon na minamaniobra ng adminitrasyong Liberal Party ang Comelec upang hadlangan ang kandidatura nina Duterte at Poe upang mawalan ng kalaban ang kandidato nilang si Mar Roxas.
Sa pinakahuling resulta ng survey, nangunguna na si Duterte at pangalawa si Poe samantalang nananatiling kulelat si Roxas.
- Latest