^

Punto Mo

Ritwal sa tag-ulan

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

LAGI na namang maulan sa maraming bahagi ng bansa. Malapit na muling magkaroon ng mga bagyo. Muling maglalabasan ang mga payong, kapote, jacket, flashlight, kandila at iba pang bagay na karaniwang kaakibat ng panahong ito. Tulad ng tag-init, tila isa nang ritwal sa buhay natin ang tag-ulan.

Mula Hunyo hanggang sa mga susunod na buwan, asahan na ang sunud-sunod na bagyong mas malakas at mas mabilis dulot ng climate change. Ganito rin naman noong nakaraang taon at sa nagdaang ibang mga taon, dekada at siglo.

Kasunod nito, gaya ng dati: baha, landslide, paglikas ng mga residente, at muling pagdagsa ng mga biktima sa mga evacuation center. May masasawi, magugutom, at magkakasakit. Ilang araw o linggo ang suspension ng klase, binabawasan ang oras ng pag-aaral ng mga bata.

Mapipilay ang serbisyo ng gobyerno’t pribado, mawawala ang kuryente, tubig, internet at signal sa mga apektadong lugar. May pagkakataong sinususpinde ang klase pero tapos na ang bagyo at maaraw na sa panahong walang pasok ang mga mag-aaral.

Muling mauuso ang relief goods na karaniwang instant noodles at delata na, ayon sa mga eksperto, hindi mainam sa kalusugan lalo na sa matatanda’t bata. At gaya ng dati, may mga aasa na lamang sa awa.

May mga hakbang naman ang pamahalaan, at tumutulong din ang pribadong sektor. Pero tila hindi sapat—o marahil hindi maayos ang pagpapatupad. Patuloy ang baha kahit may flood control project umano. Laging may paalala ang mga awtoridad, pero tila hindi ito umuukit sa kamalayan ng mamamayan.

Taun-taon, pare-pareho ang eksena: nasalanta, naperwisyo, nalibing sa putik, bangkang naglalayag sa binahang kalsada, tubig-baha na ginagawang swimming pool, tumutumbang poste, nagliliparang mga yero, butas-butas na tarpaulin, bumagsak na signboard, mga taong stranded sa mga bubungan, at iba pa.

Lumalalim sa halip na bumababa ang tubig-baha dahil walang maagusang kanal o estero at ibang daluyan o labasan na pawang nagsisikip sa dami ng mga nakatambak na basura.

Naalala ko iyong isang lumang ulat na inantala ng Kongreso ang kumpirmasyon sa appointment ng isang mataas na opisyal ng isang ahensiyang may kinalaman sa pagmomonitor ng mga kalamidad. Ang dahilan? Nabigong magbigay ng maagang babala sa isang lalawigang pininsala ng bagyo.

Isa kaya itong palatandaan na hindi lang kalikasan ang kalaban natin sa panahon ng tag-ulan?  Alam na nating taon-taong dumarating ang tag-ulan kasama ng mga bagyo pero bakit parang nabibigla ang marami sa atin?  Parang walang natututuhan sa mga sakunang paulit-ulit taon-taon.

May mga paghahanda na parang hindi rin pinaghandaan. Nakakagamit na ng mga makabagong teknolohiya sa pagmamanman sa tag-ulan at bagyo ang Pilipinas pero tila kulang pa rin.  Nalilimot na ang pinsalang iniwan ng mga nakarang bagyo.

Hanggang datos na lang ba ng mga numero ang bilang ng mga namamatay at nasusugatan, nawalan ng tahanan, nagsisilikas, mga bayan at lunsod na lumubog sa baha, at halaga ng mga napinsalang ari-arian at lawak ng mga pinsala ng mga bagyong ito? Hindi ba puwedeng maging aral sa buhay ang mga ito?    Kulang ba ang mga gabay para sa paghahanda sa pagdating ng mga susunod na kalamidad sa hinaharap?

Pero nakakarating ba talaga at naipapaunawa ang mga gabay at paalalang ito sa lahat o higit na nakakaraming mamamayan? Kumikilos naman ang pamahalaan, pero sana’y kumikilos din ang kanyang mamamayan—hindi lamang kapag lubog na sa baha, kundi habang may panahon pang maghanda.

-oooooo-

Email: [email protected]

BANSA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with