California, nagtala ng Guinness World Record para sa ‘Largest Game of Red Light, Green Light’
Nagtipun-tipon ang mahigit 1,400 katao sa Anaheim, California upang sumali sa makasaysayang paglalaro ng “Red Light, Green Light” para masungkit ang Guinness World Record para sa Largest Game of Red Light, Green Light.
Naganap ang palaro sa Yorbe Park kung saan kasama sa mga lumahok ang mga estudyante mula sa Anaheim Elementary School District, kanilang mga pamilya, at ilan pang dumayo mula sa ibang distrito.
Nakisali rin ang mga lokal na bumbero, pulis, at ilang opisyal ng lungsod upang makumpleto ang record na 1,423 kalahok.
Ang “Red Light, Green Light”, o mas kilala sa Pilipinas bilang “Pepsi-7Up”, ay isang larong pambata kung saan kailangang tumakbo ang mga manlalaro kapag sinabing “Green Light”, at biglang titigil kapag “Red Light” naman.
Ang sinumang gumalaw sa utos na “Red Light” ay matatanggal sa laro. Naging mas kilala pa ang larong ito sa buong mundo matapos itong itampok bilang unang deadly game sa sikat na Netflix series na Squid Game.
Ayon kay Guinness Records adjudicator Brittany Dunn, naging makabuluhan ang pagtitipon hindi lang para sa mga bata kundi pati na rin sa mga nakatatanda, isang paalala na ang paglalaro ay walang pinipiling edad.
- Latest