EDITORYAL - Mapait na tagumpay sa kaso ni Jennifer Laude
NAHATULAN na si US Marine Lance Joseph Scott Pemberton sa pagpatay kay transgender Jennifer Laude. Hinatulan siya ng anim hanggang 12 taong pagkabilanggo ni Judge Roline Ginez-Jabalde ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74.
Pero mapait ang tagumpay sapagkat hindi nasunod ang tinakda ng korte na ikulong sa New Bilibid Prison (NBP) si Pemberton. Nangibabaw ang kagustuhan ng mga Amerikano na Custodial Center sa Camp Aguinaldo ikulong si Pemberton. Nadismaya naman ang ina at kapatid ni Laude sapagkat naibaba sa homicide ang kaso sa halip na murder. Bukod pa roon, naibaba rin ang mga dapat bayaran o danyos sa pamilya ng biktima ni Pemberton kaugnay sa pagpatay.
Karumal-dumal ang ginawa kay Laude noong Oktubre 11, 2014. Natagpuan itong patay sa banyo ng motel na tinuluyan nila ni Pemberton. Nakasubsob ang mukha sa inidoro. Hindi karaniwan ang pamamaraan ng pagpatay na ginawa kay Laude na para bang galit na galit ang suspect. Bakit isinubsob pa ang mukha sa inidoro? Wala itong kalaban-laban sa maskuladong sundalo.
Hindi ito ang unang pagpatay ng mga Kanong sun- dalo sa mga kawawang Pinoy. May mga naiulat na noon pa subalit hindi lamang nabigyan ng atensiyon ng media at maaaring natakot ang mga biktima. Para sa kanila, wala namang kahihinatnan ang kaso kahit magdemanda.
Kawawa ang kalagayan ng mga karaniwang Pilipino kapag hindi nirebisa ang Visiting Forces Agreement (VFA). Nakasaad sa VFA na ang mga sundalong Kano na makakagawa ng krimen sa bansa ay mananatili sa kustodiya ng US. Lubhang talo ang mga kawawang Pinoy sa kasunduang ito. At kung mahatulan man, gaya nang nangyari kay Pemberton, ang US pa rin ang nasusunod. Hindi rin hahantong sa itinakdang kulungan.
Mapait ang tagumpay sa kaso ni Laude. Pinatay sa sariling bansa ang kawawang biktima pero ang kriminal ay nananatiling protektado ng kanyang gobyerno. Kung ang sundalong Pilipino na nasa US ang pumatay, tiyak na ibibiyahe agad siya sa itinakdang bilangguan at nanamnamin ang mabigat na parusa.
- Latest