‘Siraan, gibaan sa pulitika’
MALAPIT na talaga ang eleksyon.
Kaliwa’t kanan ang mga batuhang-putik, siraan, gibaan, kalkalan ng isyu at siraan sa pulitika.
Mayroong mga nangangalakal ng kalituhan at kaguluhan. Mayroon mga nakikisawsaw lang. Mayroong gusto lang makapa ang pulso ng taumbayan at mayroon namang ibang lumulutang para makigulo lang.
Sa telebisyon, radyo, peryodiko at social media, nagkalat ang mga basura. Hindi na malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan.
Ganito ang kultura ng mga trapo o traditional politics. Walang ibang inaatupag kundi manggiba ng mga alam nilang makakatunggali nila sa pwesto.
Gusto laging tinu-tsubibo ang taumbayan sa pamamagitan ng matatamis nilang pangako na hindi naman totoo.
Kaya kahit na hindi nila personahe, pilit na ibababa ang sarili para lang magustuhan ng publiko. Kesehodang magmukha na silang katawa-tawa sa mata ng tao ayos lang basta may publisidad at hindi mawala sa balita.
Dismayado na ang tao sa kanilang mga nakikita sa kasalukuyang namumuno. Gusto na ng publiko ng bagong mukha, bagong lider na ang plataporma tutugon sa kanilang mga panga-ngailangan.
Hindi na ako magbabanggit ng personalidad sa kolum kong ito baka sabihing nag-i-endorso ako ng pulitiko.
Kung anuman at sinuman ang naglalaro sa inyong isipan, kayo na ang bahalang bumalanse.
• • • • • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest