‘Bogus na money changer’
KASAGSAGAN ngayon ng pagpapadala ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa kanilang mga kaanak.
Binabalaan ang mga magpapapalit ng anumang uring dolyares at denominasyon, huwag susugal, huwag makikipagsapalaran bagkus maniguro sa mga nagsusulputang money changer.
Huwag maeengganyo sa mas mataas na palitan umano ng dolyar at peso na inaalok ng kanilang mga sumasalubong na barker sa labas palang ng kanilang mga establishemento.
Lalo na sa mga nagagawi sa bahagi ng Ermita sa Maynila. Nagkukumpulan ang mga bogus na money changer isang dura lang ang layo sa mga lehitimo na kasabwat sa kanilang operasyon.
Nangyayari ang modus habang patuloy ang transaksyon sa pagitan ng empleyado ng money changer at target victim. Ang estilo, unang ipapabilang ng teller ang pera sa kustomer. Kapag ibinalik na ito, saka naman niya ito uulitin.
Sa bilis ng pitik ng kaniyang daliri hindi mapapansin ng kustomer ang sinasadya ng dorobo na paglaglag ng pera sa loob ng kanilang counter.
Mapapansin nalang ng pobre na kulang at bawas na ang kaniyang pera kapag nakauwi na sa bahay.
Kaya paalala ng BITAG, huwag hahayaang ang teller ng money changer ang huling magbibilang ng inyong ipinapalit na pera.
Para mas makasiguro, pumunta lang sa mga lehitimo at respetableng money changer na may mga kaukulang permit sa loob ng kanilang tanggapan.
Huwag mapasama sa estatistika ng mga nabibiktima.
* * *
Para sa iba pang mga anti-crime tips, abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest