Election-related violence, ramdam na
Sa pagsisimula pa lamang sa unang araw ng pagsusumite ng certificate of candidacy (COC) ng mga nagnanais na tumakbo sa 2016 elections, eh tila nabahiran na agad ito ng dugo.
Ito ay matapos na ambusin ng hindi pa nakikilalang armadong mga kalalakihan ang grupo ni Tungawan Mayor Randy Climaco, na nasawi sa naganap na pananambang kamakalawa ng hapon sa Zamboanga Sibugay. Anim pa niyang kasama ang nasugatan kabilang ang kanyang bise-alkalde at kanilang mga bodyguartds.
Naganap ang pananambang matapos na magsumite ng COC ang grupo para sa pagtakbo sa halalan sa susunod na taon.
Bagamat patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito hindi maiaalis na konektado ito sa nalalapit na halalan.
Ito na nga ba ang binabanggit natin sa mga nakalipas nating pagtalakay, ang mga karahasan na maaari na namang maganap ngayong halos nagsisimula na ang election fever sa bansa.
Kaya nga importante na matukoy kaagad ang mga itinuturing na election hotspot o yung mga areas of immediate concern, at dito siguro madagdagan ang puwersa na mangangalaga sa peace and order.
Sa panig ng PNP, patuloy pa umano ang ginagawa nilang assessment sa mga lugar na maaaring ibilang na hotspot saka sila makikipag-usap sa Comelec ukol dito.
Siyempre dapat malinaw at maingat nga naman itong mai-level para maiwasan na magkaroon ng maling impresyon.
Ilan sa basehan ng PNP sa kanilang assessment dito ay kung may history sa lugar na may matinding bangayan ng mga pulitiko, may mga dati nang naganap na insidente ng karahasan at presensya ng mga armadong grupo.
Kung sabagay hindi naman maaari na may isa pa lamang insidente ng karahasan, eh maideklara na agad na hotspots.
Anut-anuman dapat siguro na maaga pa lamang eh matukoy na ang mga ito, at agad nang magawan ng aksyon o kalutasan para maagapan at mapigilan ang pagsiklab ng karahasan.
Malayo pa ang itatagal bago ang halalan , hindi masasabi kung ilan pa ang magbubuwis ng buhay.
- Latest