Dapat bang una lagi ang pamilya?
TALAGANG tayong mga Pilipino ay makapamilya. Isa raw katunayan nito, sabi ng kumpare kong napakasimpleng mag-isip, ay ang paghahalal natin sa Senado ng magkakapatid: ang mga Tulfo, Cayetano, Estrada-Ejercito, at iba pa. Talagang tila isang family affair, only in the Philippines!
Kuwalipikado naman sila, pero ang tanong, wala kaya itong conflict of interest at wala na bang iba pang kuwalipikado sa mahigit na 65 milyong botanteng Pilipino? Kapag nagkampi-kampi ang mga ito’y madali nilang maipapanalo ang anumang botohan sa Senado. Walang duda, maaaring makabuo ang magkakapatid ng isang powerful voting block sa Senado.
Hindi naman masama ang pagiging makapamilya per se. Ang pamilya ang pinakamaliit na political unit sa anumang lipunan. Kaya kung maayos at matatag ang mga pamilya, magiging maayos at matatag ang isang lipunan. Sabi nga ni Confucius, “Ang katatagan ng isang bansa ay nakasalalay sa integridad ng tahanan.”
Sa ating pambansang karanasan, ang pagiging makapamilya nating mga Pilipino ang pinag-uugatan nang maraming problema. Nabanggit ko kanina ang isa ang problemang pulitikal. Dahil sa pagiging makapamilya, mahirap buwagin ang political dynasty. Sa halalan sa barangay, halimbawa, palakihan ng pamilya ang labanan.
Pamilya ang karaniwang idinadahilan kung bakit natuksong maging tiwali. Sa isang pag-aaral na ginawa, maraming kawani ng gobyerno ay hindi itinuturing na pagnanakaw ang pang-uumit ng coupon bond, paperclips, ballpen, at iba pang office supplies, kung ang mga ito’y inuuwi para sa anak na nag-aaral. Masama kung ipagbibili, pero mabuti kung pamilya ang makikinabang. Maging ang masama ay nagiging mabuti, sa pangalan ng pamilya.
Maraming mahalagang trabaho ang nabibinbin dahil inuna ang kapakanan ng pamilya. Sangkatutak na kapintasan ang tatanggapin ng sinumang napabayaan ang pamilya dahil sa trabaho. Pero bibihira ang pipintas sa sinumang napabayaan ang trabaho dahil sa pamilya. Laging praeoridad ang pamilya kaysa trabaho, at maging kaysa bansa. Ito kaya ang tamang pagbibigay-prioridad? Tama ba talagang unahin ang pamilya sa ibabaw ng lahat? Tama bang isuko maging ang katotohanan at hustisya alang-alang sa kapakanan at kaligtasan ng pamilya?
Mahirap daw balansehin, sabi nang marami. Pero para sa akin, ito’y hindi usapin ng pagbalanse. Ito’y usapin ng pagraranggo ng mga bagay na dapat pahalagahan. Ang katotohanan, katarungan at katwiran ay dapat laging nasa unahan ng prayoridad, higit na mataas kaysa konsiderasyong pulitikal, relihiyon, organisasyonal, at pamilya.
Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Hesus na ang pagsunod sa Kanyang kautusan ay mas pangunahin kaysa pagpapahalaga sa pamilya. Sabi Niya sa Mateo 10:34-36, “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Naparito ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng isang tao ay ang kanya na rin mismong kasambahay.”
Kung walang tunggalian, tama lang na unahin ang pamilya. Pero kung ang nakataya ay katotohanan at hustisya, dapat ay pumailalim ang pamilya. Sa bandang huli, ang pagpapahalaga sa katotohanan at hustisya ay mauuwi rin naman sa kapakanan ng pamilya.
- Latest




















