^

Punto Mo

EDITORYAL - Dapat bang sumapi sa BRICS?

Pang-masa

DUMALO si President Ferdinand Marcos Jr. sa BRICS Summit sa New Delhi, India noong September 12-13, 2026. Sa summit inimbitahan ang Pilipinas bilang “Outreach Country”. Ito ang unang pagkakataon na dumalo ang Presidente ng Pilipinas sa BRICS Summit.

Ano ang BRICS at bakit mahalaga ang pakikipag-ugnayan dito?

Nagsimula ang BRICS bilang grupo ng mga malalaking umuunlad na bansa—Brazil, Russia, India, China at South Africa, kung saan hinango ang pa­ngalan nito. Lumawak na ang grupo at kabilang na ngayon ang iba pang bansa gaya ng Indonesia, Iran, Egypt, Ethiopia at United Arab Emirates.

Hindi rin maliit ang impluwensiya nito. Ang 11 miyembro ng BRICS ay kumakatawan sa halos kala­hati ng populasyon ng mundo at humigit-kumulang 40 porsiyento ng global economic output kung purchasing power parity ang pagbabatayan.

Wala pang usapan tungkol sa pagsali ng bansa sa BRICS at sinabi ng Philippine ambassador sa India na kailangan muna itong dumaan sa masusing pag-aaral.

Tama lang na huwag magmadali. Pero tama ring makipag-ugnayan dito. Dahil may praktikal na paki­nabang ang pagbubukas ng mas maraming ugnayan. Sa India, nangako ang iSON Group ng $75 milyong­ investment para sa modern farming, renewable energy­, healthcare at teleconsultation na inaasahang lilikha ng humigit-kumulang 2,000 trabaho. May dagdag ding $10 milyon para sa pagpapalawak ng BPO ope­rations.

Hindi kailangang maging miyembro ng BRICS para makinabang sa ganitong oportunidad. Matagal nang malapit ang Pilipinas sa United States at iba pang Western partners. Hindi kailangang talikuran ang mga ugnayang iyon para lamang makipagka­lakalan at makipagtulungan sa ibang bansa. Hindi rin awtomatikong pagpanig sa China o Russia ang pakikipag-usap sa BRICS. Sa mismong summit, iginiit pa rin ni Marcos ang pagsunod sa international law at rules-based order.

Kaya sa pag-aaral kung lalaliman pa ang ugna­yan natin sa BRICS, isang tanong ang dapat mangi­babaw: Ano ang mapapala ng Pilipinas?

Kung may trabaho, investment, teknolohiya at bagong merkado, tuklasin ang oportunidad. Kung taliwas sa pambansang interes, dapat marunong tayong tumanggi.

Ang independent foreign policy ay hindi pagpapalit lamang ng kampong sinusundan. Ito ay pagkakaroon nang maraming kakampi, maraming options, at iisang pinapanigan, ang Pilipinas.

FERDINAND MARCOS JR.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with