Kawatang tandem, aktibo na naman!
Kasisimula pa lamang ng ‘ber months;’ , eto ha mukhang dapat na matutukan nang husto ngayon ng PNP ang pagtindi na naman nang pagsalakay ng mga kawatan na riding in tandem.
Baka nalilibang tayo sa problema sa trapik, at hindi natututukan, nandito na naman ang mga tandem na kawatan.
Parang ginagaya ng mga ito ang pagpapatrulya ng mga pulis, kasi nagpapatrulya din ang mga ito para humanap ng kanilang mga bibiktimahin sa ibat-ibang lansangan.
Sa nakalipas na mga linggo, masasabing sunud-sunod ang pagtira ng mga ito, may isang insidente pa nga na, iisang tandem ang minuto lang ang pagitan sa kanilang mga pag-atake.
Ang ka-tandem ko sa radio program na SOCO sa DZMM na si David Oro at ang kanyang pamilya eh nabiktima nito, kamakalawa ng gabi.
Matinding trauma ang dulot nito sa kanyang pamilya.
Nasa tapat nang kanilang bahay sa QC si tandem Dave kasama ang kanyang misis at anak nang lapitan ng isa sa tandem na suspect.
Una kasing bumaba ng sasakyan ang kanyang misis at anak, na siyang nilapitan ng sinasabing nag-aabang na suspect. Tinutukan ang kanyang mag-ina ng baril at pilit na inaagaw ang dalang bag ng kanyang misis.
Nagsisigaw ang kanyang misis na nakatawag ng pansin sa mga kalalakihan at tanod sa lugar kaya nataranta ang nakahelmet na suspect at tumakas kasama ang kasapakat.
Walang nakuha ang mga suspect at mabuti na lang eh hindi nasaktan ang sinuman sa kanila, pero siyempre nandon pa rin ang trauma dahil sa pangyayari.
Noon lamang nakalipas na Setyembre 5, dalawang insidente ang magkasunod na nai-report sa pulisya na ganito ring modus ng tandem.
Isa ang nangyari sa may Roosevelt makalipas ang ilang minuto tumira uli ang sinasabing iisang tandem sa may Magsaysay malapit sa Congressional.
Ganito ang modus, kapwa inabangan ang may dala ng sasakyan, parparada tiunutukan ng baril at saka sapilitang kinuha ang bag.
Mukhang sa diskripsyon at estilo , iisa ang tandem na ito na nag-ooperate sa lugar at kalapit pang barangay.
Matinding pagbabantay at operasyon ang kailangang mailatag ng pulisya laban sa mga kawatan na ito na malamang na lalong maging aktibo lalu pa nga’t papalapit na nang papalapit ang holiday season.
Sigurado na naman ang pananamantala ng mga ito, kaya nga mas lalung kailangan ang nagkakalat na awtoridad na siyang magbabantay sa ating mga kababayan.
- Latest