^

Punto Mo

EDITORYAL - Mga kandidatong di-nagsumite ng SOCE kastiguhin ng Comelec

Pang-masa
EDITORYAL - Mga kandidatong di-nagsumite ng SOCE kastiguhin ng Comelec

Maraming kandidato sa nakaraang May 12 elections ang hindi nagsumite ng statement of contributions and expenditures (SOCE). Nagtapos ang deadline sa pagsusumite ng SOCE noong Hunyo 11. Ayon sa Comelec, maraming kandidato, party-list groups at political parties ang hindi nag-comply sa pagsusumite ng SOCE.

Una nang nagbabala ang Comelec na ang sinumang kandidato na hindi makapagsa-submit ng SOCE sa itinakdang petsa ay pagmumultahin at mahaharap sa disqualification o hindi makakaupo sa puwesto. Ang tanong, maipatupad kaya ito ng Comelec?

Sinabi ng Comelec na lahat ng mga kandidato, party-lists, at political parties ay dapat magpasa ng SOCE kahit hindi nanalo; kahit wala silang ginastos at wala rin silang tinanggap na anumang kontribusyon; kahit umatras sa kandidatura at self-funded ang kampanya; ay kailangang mag-file ng SOCE. Dapat ay notaryado ang SOCE at personal na pirmado ng kandidato o ng treasurer ng partido o party-list.

Pero sa kabila ng mga paalala, marami pa rin ang hindi nag-comply na tahasang pagbalewala sa Comelec. Dapat nang umaksiyon ang Comelec sa nangyaring ito.

Sa mga nakaraang election, hindi pinansin ng mga kandidato ang panawagan ng Comelec na magsumite ng kanilang SOCE. Walang nagawa ang Comelec. Ang ma­tindi, ang mga kandidatong hindi nagsumite ng SOCE ay nakatakbo pa sa election. Isang pambabastos sa Comelec.

Noong 2013 elections, pinakamaraming kandidato ang hindi nagsumite ng SOCE na umabot sa 5,000. Ganunman, nakatakbo pa rin sila sa sumunod na elections kahit hindi nag-file ng SOCE.

Noong 2016 elections, naitala ang 3,937 na mga kandidatong hindi nakapagsumite ng SOCE. Marami rin sa kanila ang nakatakbo uli sa election. Walang nagawa ang Comelec. Noong 2022 elections, 21 kandidato ang hindi nakapagsumite ng SOCE at kabilang umano rito ang isang senador na nanalo. Gaya ng dati, may mga nakatakbo muli kahit hindi nakatupad sa alituntunin.

Ipakita ng Comelec ang kamay na bakal sa mga hindi sumunod sa ipinag-uutos. Huwag paupuin o panumpain ang mga kandidatong nanalo na hindi nag-file ng SOCE. Kung sa mga nakaraan ay naging mabait ang Comelec, dapat sa pagkakataong ito, magpakita na sila ng bangis. Turuan ng leksiyon ang mga sutil na kandidato. Kung sa patakarang pagsusumite ng SOCE ay hindi sila sumusunod, paano pa kung nakaupo o nakapuwesto na sila.

SOCE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with