Lalaki sa Croatia, pinatunayan ang lakas ng lungs sa bagong Guinness World Record
Nagpakitang-gilasang Croatian freediver na si Vitomir Maricic matapos nitong makapagtala ng bagong Guinness World Record sa titulong “Longest duration breath hold-freediving static apnea (male)”, kung saan nanatili siyang nakalubog sa tubig nang hindi humihinga sa loob ng 29 na minuto at 3 segundo.
Naganap ang record breaking attempt sa tatlong metrong lalim na swimming pool sa lobby ng Bristol Hotel sa Opatija, Croatia, habang pinanood ng humigit-kumulang isang daang kapamilya, kaibigan at fans ni Maricic. Bago sumabak, sumailalim si Maricic sa ilang minutong paglanghap ng pure oxygen upang mapalakas ang kakayahan ng katawan niyang magtagal nang walang paghinga.
Limang opisyal na hurado at timekeeper mula sa Guinness World Records ang nagbantay upang tiyakin ang integridad ng record attempt. Ayon kay Maricic, naging mas mabigat ang kanyang naramdaman sa aktuwal na record attempt kumpara sa mga naunang ensayo, ngunit malaking bagay umano ang suporta ng kanyang pamilya at team.
“Lahat ng ganitong tagumpay ay hindi magagawa nang mag-isa. Susi rito ang matibay na teamwork at suporta mula sa mga mahal sa buhay,” aniya.
- Latest