‘Tunay na bayani’
HINDI kailangang magbuwis muna ng buhay at mamatay sa ngalan ng prinsipyo at adbokasiyang ipinaglalaban para matawag na bayani.
Lahat, kahit sinong indibidwal puwedeng maging bayani at ituring na bayani depende sa kanilang lohika at konsensya.
Kahapon, tulad ng nakagawian na sa bansa tuwing huling Lunes ng Agosto muling sinariwa ang mga sakripisyo ng mga nakahimlay sa Libingan ng mga Bayani.
Sa mga namulat na sa ganitong kultura, para sa kanila sila lang ang mga karapat-dapat tawaging bayani. Wala namang masama sa pananaw na ito.
Subalit para sa BITAG Live, hindi lang sina Rizal, Bonifacio at iba pang mga magigiting na nagtanggol sa bayan ang dapat binibigyang-pugay tuwing National Heroes’ Day.
Sa modernong panahon, ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nagpapakandahirap at nagsasakripisyong malayo sa kani-kanilang mga pamilya ang mga buhay na bayani.
Sila ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na lumulutang ang ekonomiya ng bansa. Nitong nakaraang taon, $24 bilyones ang kanilang naipapasok na dolyares sa pamamagitan ng kanilang remittances.
Sinasaluduhan din ng BITAG Live ang mga Business Processing Outsource (BPO) o mga nasa sektor ng industriya ng call center. Noong 2014, $18B ang kanilang kontribusyon sa kaban ng bayan.
Maituturing bayani rin ang mga literal na ‘hampas-lupa’ na nagpapakain sa atin. Sila ang mga pobreng magsasakang minamaliit, hindi inaalagaan at hindi binibigyang-atensyon ng kasalukuyang administrasyon.
Kasama sa mga binibigyang-galang at pugay rin ang mga gurong nagta-tiyaga sa kanilang mga mag-aaral para mabahaginan ng mga kaalaman at maging matagumpay sa buhay.
Tulad ng mga maliliit na ‘hampas-lupa’ hindi rin sila nabibigyan ng sapat na atensyon. Maraming mga guro ang dumadaing sa gobyerno na dagdagan ang kanilang tinatanggap na sahod buwan-buwan.
Kaya kung mayroon mang dapat sinasaluduhan, binibigyang-galang at pugay araw-araw, sila ang mga nabanggit sa itaas na malaki ang ambag at kontribusyon sa bansa.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest