Status update ni Mommy sa Facebook
SANDALI lang kaming nagsama ng aking ex-husband. Kapapanganak ko pa lang sa aking anak na babae nang maghiwalay kami. Noong dalawang taon pa lang ang aking anak, kinausap ako ng aking ex. May ipinakiusap siya.
“Puwede bang putulin ko na ang aking parental rights. Mahirap kasi, obligado akong magbigay ng sustento. Paano kung wala akong trabaho?”
Hindi na ako tumutol. Pumayag kaagad ako. Mabuti na nga ang ganoon. At least hindi na aasa ang aking anak sa isang amang parang revolving door – lulubog, lilitaw. Kung kailan lang gustong magpakita.
Sinasagot ko nang buong katapatan ang mga tanong ng aking anak tungkol sa kanyang ama. Ang aking paliwanag ay iniaangkop ko sa level ng kanyang maturity. Noong apat na taon pa lang siya, nakiusap muli ang aking ex, gusto raw niyang kausapin ang aming anak. Bigyan ko raw siya ng dalawang oras para magkasarilinan silang mag-ama. Ibinalita niyang may cancer siya. Pumayag naman ako. Kasama ang aming anak, nagkita kami sa park. Ang akala ko ay magkakasama ang mag-ama ng dalawang oras. Naku, 20 minuto lang ang itinagal ng pagkikita at umalis na ang aking ex. Nganga tuloy ang aking anak! Kahit kailan ay hindi niya kayang maging ama kahit sa loob lang ng dalawang oras. Iyon ang huli nilang pagkikita.
Labing-isang taon na ang aking anak. Minsan ay may nakasalubong kaming mag-ina na common friends namin ng aking ex. Sa harap ng aking anak ay nabanggit nilang may bago nang pamilya ang aking ex. Kamukha raw ng aking anak ang mga kapatid nito sa ama. Tinapos ko kaagad ang usapan dahil nag-aalala ako na baka masaktan ang aking anak.
Habang nagmamaneho ako pauwi sa aming bahay ay nagsalita ang aking anak, “May asawa na pala at mga anak si Daddy. Siguro marunong na siyang mag-alaga ng anak. Masaya ako para sa kanyang mga anak.”
Napangiti ako. Kailangan pa ba na aking anak ang magturo sa akin ng pagpapatawad?
- Latest