Sampaguita (140)
HINDI mapakali si Ram sa kanyang bahay sa H. Santos St. Makati. Mula nang magkausap sila ni Sir Manuel at sabihin ang ukol sa masamang balak ni Levi, hindi na siya mapalagay. May banta sa buhay ng matanda. Ayon kay Sir Manuel, maraming kontak na hired killer si Levi at handang gawin ang anumang iuutos nito. At sa Varona kadalasang nagpupunta si Levi para kumuha ng hired killer. Alam niya ang Varona St. Nasa J. P. Rizal iyon. Nakapunta na siya roon nang minsang yayain ng isang kakilala. Maliit lang na kalye iyon at kadalasang may mga lalaking nag-iinuman sa kalye. Pero tahimik doon, sabi ng kakilala niya. Sayang at wala na ang kakilala niya. Nasa Saudi na. Wala sanang problema kung naroon at madali siyang makakakuha ng inpormasyon.
Isang hapon ay nagpasya siyang pumunta sa Varona. Baka makakuha siya ng inpormasyon sa mga taga-roon pero hindi siya magpapahalata. Kailangang mag-ingat siya at baka “mauna” pa siya kay Sir Manuel kapag nahalata siyang nangangalap ng inpormasyon.
Wala pa ring pagbabago sa Varona. May mga nag-iinuman at nagkukuwentuhan sa kalye. May mga batang naghahabulan.
Kunwari ay bumili siya ng sigarilyo sa isang store kahit hindi naman siya naninigarilyo.
Sa hindi kalayuan sa tindahan ay may mga nag-uusap habang nakaupo at nasa harap ang isang boteng alak. Pasimple siyang nakinig sa pinag-uusapan ng mga ito.
“May bagong project si Banjo, dre.’’
“Ano raw?’’
“Gaya ng dati ano pa?’’
“Itutumba?’’
“Oo. Riding-in-tandem.”
“Kailan daw?’’
“Sa lalong madaling panahon daw.’’
“Malaki siguro ang bayad.”
“Tiyak yun.’’
“Ibang klase si Banjo ano? Hindi pa rin nagbabago.’’
Natigil ang usapan. Nagsalin ng alak at tumungga.
Nang makatungga, iba na ang topic.
Bahagyang lumayo si Ram. May nakuha na siyang inpormasyon. Banjo pala ang pangalan ng kontak ni Levi.
Kinabukasan, muli siyang nagbalik sa Varona. Bumili uli ng sigarilyo. Isang lalaking mukhang mabait ang tinanong niya.
“May kilala ka bang Banjo rito, Brod?’’
“Oo. Bakit Sir?’’
(Itutuloy)
- Latest