Fashion brand sa Europe, naging kontrobersiyal matapos maglabas ng ‘damit’ na gawa sa bubble wrap!
Naging usap-usapan ang Belarusian fashion brand na ZNWR dahil sa nilabas nilang fashion collection ng mga damit na gawa sa transparent bubble wrap.
Ang ZNWR, na kilala sa mga avant-garde na disenyo, ay muling nagpakilala ng isang panibagong pananaw sa fashion gamit ang bubble wrap bilang materyales.
Tampok sa koleksiyon ang isang damit na may halagang 280 Belarussian rubles (P4,800) at isang jacket na nagkakahalaga ng 380 rubles (P6,500).
Unang napansin ang kakaibang disenyo sa isang tindahan sa Minsk matapos itong ipost sa social media ng isang TikTok user. Agad itong nag-viral, na umani ng mahigit 100,000 views, kung saan iba’t ibang reaksyon ang natanggap nito.
May ilan na humanga sa pagiging kakaiba nito, habang ang iba naman ay tinanong kung ito ba’y seryosong disenyo o isang mapanlikhang eksperimento lamang.
Ayon sa ZNWR, ang koleksiyon ay nilikha para sa mga mapangahas na fashionista na nais maging kapansin-pansin sa mga New Year’s party.
Sa kabila ng mga biro ukol sa pagsabog ng mga bubble wrap, seryoso ang brand sa kanilang konsepto. Bahagi ito ng limited and exclusive collection ng mga damit, na may 20 pirasong damit at 20 pirasong jacket lamang.
Dahil sa kakaibang disenyo ng bubble wrap collection, tinawag ang ZNWR na “Balenciaga ng Belarus,” isang pagkilala sa kanilang pagiging handang mag-eksperimento sa larangan ng high fashion.
Ayon sa kanila, layunin ng koleksiyon na magbigay ng alternatibo sa karaniwang damit na gawa sa velvet at satin, na kadalasang suot tuwing holiday season.
Sa mundo ng fashion, lumalabas na walang imposible na kahit ang bubble wrap ay nagiging haute couture.
- Latest